Ni Ellalyn De Vera-Ruiz

Pumalo sa pinakamataas ang bilang ng mga Pinoy adult na walang trabaho simula noong 2016 nang maitala ang 23.9 na porsiyento, o katumbas ng 10.9 na milyon, na walang hanapbuhay sa nakalipas na tatlong buwan, batay sa resulta ng huling survey ng Social Weather Stations (SWS).

Natuklasan sa nationwide survey na isinagawa nitong Marso 23-27 sa 1,200 respondents, na 23.9% ng mga Pilipino, o 10.9 na milyon, ang walang trabaho.

Mas mataas ito ng 8.2 puntos sa 15.7% (7.2 milyon) na naitala noong Disyembre 2017, mas mataas ng isang punto sa 22.9% noong Marso 2017, at ang pinakamataas na naitala pagkatapos pumalo sa 25.1% ang joblessness noong Disyembre 2016.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon sa SWS, ang huling adult joblessness rate ay binubuo ng mga kusang nagbitiw sa kanilang trabaho sa 12.6% (5.8 milyon), ng mga tinanggal sa trabaho sa 7.7% (3.5 milyon), at ng mga first-time job seeker sa 3.5% (1.6 milyon).

Ang bahagdan ng mga nag-resign ay tumaas ng 4.3 puntos, mula sa 8.3% noong Disyembre 2017 hanggang 12.6% nitong Marso 2018.

Ang mga nasibak naman ay tumaas ng 1.8 puntos, mula sa 5.9% noong Disyembre 2017 hanggang 7.7% nitong Marso 2018.

Tumaas naman ng dalawang puntos ang bahagdan ng first-time job seekers, mula sa 1.5% noong Disyembre 2017 hanggang 3.5% nitong Marso 2018.

Natuklasan din ng SWS na nabawasan ng 0.5 puntos ang mga walang trabaho sa Metro Manila sa 19.5% noong Disyembre 2017, patungo sa pinakamababang 19% nitong Marso 2018.

Tumaas naman ng 12.1 puntos ang joblessness rate sa Luzon, 6.3 puntos sa Visayas, at 7.6 puntos sa Mindanao.