Ni Liezle Basa Iñigo at Martin Sadongdong

Iniutos na ng Police Regional Office (PRO)-2 ang pagbuo ng special investigation task group (SITG) na tututok sa kaso ng pamamaslang kay Fr. Mark Anthony Ventura nitong Linggo ng umaga.

Sinabi ni PRO-2 director, Chief Supt. Joser Mario Espino na tutukuyin ng task force kung sino ang nasa likod ng pagpatay kay Ventura upang kaagad itong maaresto at mapanagot.

Katatapos lang magmisa ni Ventura, na nakatalaga sa San Isidro Labrador mission station sa Barangay Mabuno, Gattaran, Cagayan, at taga-Bgy. Narungan sa Tuao, nang lapitan at dalawang beses na barilin ng isa sa riding-in-tandem.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Matapos ang pamamaril ay kaagad na tumakas ang mga suspek.

Kabilang naman sa iniimbestigahang motibo sa pamamaslang ang pagkontra ni Ventura sa malawakang pagmimina sa Cagayan, at pagtatanggol nito sa karapatan ng mga katutubo sa rehiyon, ayon kay Chief Supt. Elmo Sarona, hepe ng Directorate for Investigation and Detective Management (PNP-DIDM).