Ni Marivic Awitan

DAHIL sa matagumpay nitong pagdaraos noong nakaraang season, nakatakdang ipagpatuloy sa darating na bagong season ang mga home games sa homecourt ng mga miyembrong paaralan ng National Collegiate Athletic Association (NCAA).

Kung noong isang taon ay nagdaos ng anim na home games, may limang home games ang napagkasunduan ngayong darating na NCAA Season 94 na nakatakdang magbukas sa Hulyo 7 sa Mall of Asia Arena sa pangunguna ng incoming season host University of Perpetual Help System Dalta.

Ito ang inihayag ni incoming policy board chairman Anthony Tamayo at incoming Management Committee chairman Francisco Gusi sa naganap na turnover rites nitong Biyernes sa Casa Espańol sa Manila.

Kauna-unahang Olympics gold medal, ipinasusubasta sa nasa halagang <b>₱31M</b>

May pitong miyembrong paaralan mula sa kabuuang bilang na sampu ang nagpahayag ng kagustuhan na makapagdaos ng school games ngunit lima lamang ang nabigyan ng pagkakataon sa pakikiisa ng official television coveror ng NCAA games na ABS CBN Sports and Action..

Nangunguna na dito ang season 94 host Perpetual at ang nakaraang season host San Sebastian College na binigyan na ng go-signal na makapagdaos ng kanilang home game sa San Sebastian College campus sa Cavite.

Muli ring maghu-host ng home games ang Arellano University sa kanilang Legarda campus at ang Letran College na gagawin ang kanilang home game sa kanilang campus sa Calamba, Laguna.

“Initially, we will continue with the school-based games. It has been a success,” wika ni incoming NCAA policy board chairman Anthony Tamayo matapos turnover ceremony kung saan tinanggap nito ang NCAA flag na tanda ng hosting rights kay dating chairman Fr. Nemesio Tolentin.ng San Sebastian.