Ni CHARISSA M. LUCI-ATIENZA, ulat ni Genalyn D. Kabiling
Nais ng ilang kongresista na magtakda ng P600 daily minimum wage sa pribadong sektor sa buong bansa.
Ipinunto ng mga mambabatas na layunin nitong mabigyang-kalutasan ang usapin sa hindi pagkakapantay-pantay ng kinikita ng mga manggagawa sa iba’t ibang rehiyon.
Mahihikayat din nito na hindi na mangibang-lugar pa, o magdagsaan sa Metro Manila ang mga manggagawa upang kumita nang malaki.
Ang nasabing panukalang-batas ay nakapaloob sa House Bill 7527 na isinusulong nina Kabayan Party-list Reps. Ron Salo at Ciriaco Calalang.
“Minimum wage earners outside Metro Manila may consider working in their respective localities since the minimum wage in their locations is the same with that of Metro Manila.
This could shift some of Metro Manila’s population back to the hometowns of the migrants to the metropolis,” anang dalawang mambabatas.
Iminungkahi rin nila na limitahan ang kapangyarihan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) at Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) na tukuyin ang laki ng kinikita ng mga manggagawa at iba pang productivity improvement kaugnay ng minimum na sahod sa bansa.
Kaugnay nito, inihayag kahapon ng Malacañang na posible pa ring maglabas ng executive order si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa “endo” o end-of-contract scheme ngayong Labor Day.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nakadepende ang pinal na desisyon ni Duterte sa magiging resulta ng pakikipagpulong nito kay Labor Secretary Silvestre Bello III sa Palasyo nitong Lunes ng gabi.
“I can confirm that there might be an EO that may or may not be signed depending on their meeting tonight,” sinabi kahapon ni Roque sa press briefing sa Palasyo.
Una nang inihayag ng Malacañang na hindi na maglalabas ng EO si Duterte laban sa endo at ipauubaya na lang sa Kongreso ang pagpapasa ng batas laban sa contractualization.