INIULAT nitong Huwebes ng Social Weather Stations (SWS) ang sampung puntos na pagbaba sa trust ratings ni Pangulong Rodrigo Duterte, mula sa +75 noong Disyembre 8-16, 2017 ay naging +65 ito nitong Marso 23-27, 2018. Nanggaling ang +65 na puntos ng Pangulo sa 76 na porsiyento ng mga respondent na nagsabing may “malaking tiwala” sila sa Pangulo, kumpara sa 7% na may “kaunting tiwala” at 10% na “undecided.”
Gayunman, ipinunto ng survey na ang +65 na puntos ay nananatiling “very good” sa pagtataya ng resulta. Ang naunang +75 na ratings naman ay “excellent.”
May ilang ulat na ipinagdiinan ang sampung puntos na ibinagsak ng Pangulo. Habang ang iba nama’y itinuon sa pagtataya ng SWS na “very good.”
Magkakaiba ang kahulugan nito para sa iba-ibang tao. Simula noong eleksiyon ng Mayo 2016, tinamasa ni Pangulong Duterte ang mataas na trust ratings—na nagsimula sa +79 noong Hunyo, 2016. Lahat ng ratings ng Pangulo ay naglalaro sa 70, maliban sa isa, noong Setyembre ng nakalipas na taon, nang bumaba ito sa +60. Ngunit muli itong umangat sa +75 ng sumunod na bahagi ng taon.
Lahat ng mga naging Presidente ng bansa ay tradisyunal na nakakukuha ng mataas na ratings sa simula ng termino, ngunit kalimitang dumadausdos ito makalipas ang ilang buwan at taon. Apat na buwan makalipas ang eleksiyon noong Mayo 2010 ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III, mayroon siyang +64 trust rating noong Setyembre, 2010. Makalipas ang isang taon, Setyembre 2011, bumaba ang kanyang ratings sa +56. At noong Marso 2012, lalo pa itong bumagsak sa +46.
Kung ikukumpara, nakakuha si Pangulong Duterte ng mataas na +75 isang buwan matapos ang eleksiyon. Sa mga sumunod na bahagi ng taon, nanatili ang ratings ng Pangulo sa 70, maliban sa +60 noong Setyembre 2017. Muli siyang umangat sa +75 noong nakaraang Disyembre.
Ang mataas na ratings ng Pangulo sa mga nakalipas na buwan ay dahil sa pagtingin ng mga tao sa kanya bilang isang desididong pinuno, sa kanyang bigay-todong kampanya laban sa ilegal na droga, ang kahandaan niyang sibakin sa tungkulin ang mga opisyal na sa tingin niya’y hindi nagagampanan nang maayos ang trabaho, ang hakbang na kanyang ginawa upang tapusin ang rebelyon sa mga Moro at sa komunistang New People’s Army, at ang kanyang pagsisikap na isulong ang independent foreign policy sa unang pagkakataon.
Hindi niya nagawang maayos sa takdang oras ang kanyang mga naipangako noong panahon ng kampanya. Na maaaring dahilan ng pagbaba ng kanyang ratings mula sa “excellent” +75, bagamat “very good” +65 pa rin ito kung tutuusin makalipas ang dalawang taon ng kanyang administrasyon. Sa paghahambing, nakakuha ng puntos si Pangulong Aquino ng “good” +41 matapos ang dalawang taon niyang panunungkulan.
Aabangan natin ang mangyayari sa susunod na quarterly survey sa Hunyo, 2018. Kung patuloy na bababa ang ratings, magdudulot ito ng pangamba. Subalit malamang na mananatili ang puntos ng Pangulo sa pagitan ng “good” at “very good.” Hindi natin ito nakikitang bubulusok sa “moderate” o “neutral”.
Mayroon pang mas mababang ratings— ang “poor”, “bad”, “very bad”, at “execrable.” ‘Tila hindi natin maiisip kung anong klase ng administrasyon ang makakukuha ng ganitong paglalarawan.
Sa kabila ng kanitong karanasan—ang survey ratings ng mga nakalipas na pangulo at ang possibilidad ng pagbagsak na maaaring makuha sa survey—wala tayong rason upang mangamba sa sampung puntos na pagbaba sa pinakabagong survey ng Pangulo. Tulad ng sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, nagpapakita pa rin ito ng magandang tiwala sa Pangulo, ito’y boto ng kumpiyansa sa kanyang mga ginagawa at sa kanyang administrasyon.