Ni Jun Aguirre

Dinampot ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Amerikanong nag-o-operate ng isang beach resort sa Boracay Island, dahil sa kawalan ng permit sa pagtatrabaho.

Nasa kustodiya na ngayon ng BI si Randall Lee Parker, 52, matapos madakip sa loob ng pag-aari nito sa Artienda, nitong Abril 25.

Nilinaw ni BI Commissioner Jaime Morente na naglabas siya ng mission order sa ikaaaresto ni Parker bilang tugon sa natanggap na reklamong nagnenegosyo ito sa isla sa kabila ng kawalan ng work permit o visa.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

“He will undergo deportation proceedings for illegally working in the country,” ani Morente.

Aniya, nilabag ni Parker ang Labor Code at Immigration Act na nagbabawal sa sinumang dayuhan na magnegosyo, maliban lamang kung may permit ito mula sa Department of Labor and Employment (DoLE) at employment visa mula sa BI.

Sa record ng BI, pumasok sa bansa si Parker bilang turista, may dalawang taon na ang nakalipas.