Ni Clemen Bautista
UNANG araw ngayon ng Mayo, na sinasabing buwan ng mga bulaklak at panahon ng pagdiriwang ng mga kapistahan sa iba’t ibang barangay at bayan sa mga lalawigan.
Bukod dito, ang Mayo Uno, sa liturgical calendar ng Simbahan ay pagdiriwang ng kapistahan ni San Jose—ang kinikilalang patron ng mga manggagawa. Sa kapistahan ni San Jose ay kasabay ang pagdiriwang ng “Labor Day” na iniuukol sa pagpapahalaga, pagpupugay at pagkilala sa mga manggagawa. Ang sektor ng lipunan na kabalikat sa pag-unlad ng industriya at ng bansa.
Ngunit ang nakalulungkot,sa mga nakalipas na rehimen at maging sa kasalukuyan rehimen ay patuloy na naaapi, kulang pa rin sa tangkilik at kalinga ang ating mga manggagawa.
Sa pagdiriwang ng Labor Day, laging naglulunsad ang DoLE (Department of Labor and Employment) ng job fair sa iba’t ibang panig ng bansa. Ayon sa mga taga-DoLE, libong tao ang magkakaroon ng trabaho. Dahil dito, asahan na ang mahabang pila at dagsa ng mga walang trabaho, kabilang ang mga bagong graduate sa kolehiyo at pamantasan ay pipila sa mga job fair. Ang mag-a-apply at magbakasakali na magkaroon ng trabaho. Kung susuwertehin, laking pasalamat, makatutulong sa pamilya. Sa mga bagong graduate, pasalamat din at makatutulong sa kanilang magulang. Hindi na palamunin at hindi na rin magbibilang ng poste ng kuryente.
Sa mga walang suwerte sa job fair, buhay pa rin ang pag-asa. Patuloy na maghahahanap ng trabaho. May magsisikap na makapag-abroad at doon magtrabaho at magpapaalipin. Magsasakripisyo at titiisin na malayo sa pamilya. Suwerte kung makatagpo ng mabait, matino at makataong employer. Maayos na makapagtatrabaho at makapagpapadala ng pera sa pamilya na nasa Pilipinas.
Kung DH o domestic helper, pasalamat din kung magkaroon ng mabait na amo. Laking malas naman kung ang amo ay asal-hayop; nambubugbog, hindi pinakakain sa oras ang domestic helper. Binubuhusan ng mainit na tubig ang likod. Ikinukulong sa freezer, iiwan at matatagpuan patay na ang kaawa-awang domestic helper. Walang magawa ang naulilang pamilya kundi ang manangis at humingi ng katarungan.
Kung may mga opisyal ng pamahalaan na magbibigay-pugay at pagkilala sa mga manggagawa ngayong Labor Day, tampok naman na gagawin ng mga miyembro ng iba’t ibang labor group ang mga kilos-protesta at rally. Sa mga hawak na plakard at naglalakihanf streamer, madidilat na nakasulat sa pulang pintura ang karaingan ng mga manggagawa: ang hindi tamang pagpapatupad ng minimum wage law, ang pagbuwag sa mga labor organization, at ang kahilingan na tuldukan na ang “endo” o contractualization na parusa at pang-aapi sa mga manggagawa ng mga tusong kapitalista.
Ang endo ay ang pagtatrabaho lamang ng limang buwan ng mga manggagawa at pagkatapos ay lay-off na o tigil na sa trabaho ang kaaawa-awang manggagawa. Kukuha ng panibagong manggagawa ang tusong kapitalista na magiging biktima rin ng endo. Karamihan sa nagpapairal ng endo ay ang mga fast food chain, mga shopping mall at iba pang business establishment na ang mga may-ari ay mga Taipan o Filipino Chinese.
Matatandaan na ang endo noong panahon ng kampanya sa eleksiyon ng Pangulong Duterte, ay isa sa mga pangakong tutuldukan niya kapag nahalal. Malakas ang palakpak ng mga tao. Ibinoto ng mga manggagawa. Ngunit magdadalawang-taon na sa panunungkulan ang Pangulong Duterte ay hindi pa rin natutuldukan ang endo.
At ang masaklap na pangyayari, ilang araw bago sumapit ang Labor Day, ang endo ay tuluyang hindi na natuldukan ng Pangulong Duterte. Sa halip, ipinaubaya na niya sa Kongreso ang pagpapasya sa endo. Bunga nito, umani ng batikos ang Pangulo sa mga lider-manggagawa at mga manggagawa lalo na sa mga patuloy na biktima ng endo. May nagsabing kumbaga sa manok, nangupete raw ang Pangulo sa mga negosyanteng nagpapairal ng endo.
Sa kilos-protesta, asahan na may mga lider-manggagawa na babatikusin ang endo sa kanilang talumpati. May mananawaga din sa mga sirkero at payaso sa Kongreso na susugan o i-repeal na ang endo at matuldukan ang pang-aapi sa mga manggagawa na biktima nito.
Sa pagdiriwag ng Labor Day, muling maririnig ang malakas na tinig ng mga lider-manggagawa na naglalantad sa kaawa-awang kalagayan ng mga manggagawa. Humihingi ng katarungan at ng tunay na suporta at tulong ng pamahalaan.
Ang mga manggagawa, tulad ng mga magsasaka ay ang sektor ng lipunan na malaki ang naitutulong sa pag-unlad ng industriya at ng ating bansa. Marami ang nagdarasal na maibigay na sana ng pamahalaan ang lantay na tulong at kalinga para sa kanila.