Pinoy ex-world champion, may biyaya mula sa pilantropo

Ni EDWIN ROLLON

MAY pakner ang Games and Amusement Board (GAB) sa programa para sa mga retiradong Pinoy world champion.

At sa dinami-dami ng pilantropong Pinoy, isang Thai Foundation na pinangangasiwaan ni Thai promoter Naria Singwangcha ang unang nagbukas ng palad para sa mga boksingerong Pinoy.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

‘Nakatutuwang isipin na kahit hindi niya kalahi ang ating mga fighter, may puso siya at malasakit sa ating mga dating world champion,” pahayag ni GAB chairman Abraham ‘Baham’ Mitra sa pakikipagpulong sa mga miyembro ng TOPS (Tabloids Organization in Philippine Sports).

“Talagang nagpapasalamat ako kay Mr. Singwangcha dahil siya mismo ang boluntaryong lumapit sa amin para magkaroon ng MOA at mapahatid niya ang tulong sa ating mga boksingero,” sambit ni Mitra.

Batay sa Memorandum of Agreement na nilagdaan nina Mitra at Singwangcha, magbibigay ang Singwangcha Foundation ng P3,000 montly allowances para sa mga Pinoy na naging world champion sa apat na malalaking boxing organization (WBC, WBA, WBO at IBF).

Sa naturang kasunduan, hindi kabilang dito ang mga aktibo pang kampeon tulad nina Manny Pacquaio, Jerwein Ancajas at Donnie Nietes.

“So far sa record naming sa GAB, may 39 Pinoy na dating champion, pero pito rito ay pumanaw na, tapos 7 yung active pa. So bale 25 yung makakasama rito. We already send communication letter sa kanila para malaman kung anong paraan ang gagawin namin para maibigay yung tulong sa kanila,” sambit ni Mitra.

Kabilang sa mga mabibiyayaan sa naturang tulong ng Singwangcha Foundation sina Rolando Navarette, Morris East, Tacy Macalos, Rolando Bohol, Rennie Barrientos at Penalosa brothers Gerry at Dodie Boy.

“GAB recognizes the sacrifices and hardships our professional boxers have to endure in order to improve their standard of living with the hope of becoming boxing champion,’ sambit sa MOA.

Ikinalugod ni Mitra ang panibagong tulong na matatanggap ng mga Pinoy boxers. Sa kasalukuyan, nakatatanggap ng libreng medical ang lahat ng professional boxers.