Ni Martin A. Sadongdong
Isang puganteng lalaki na inakusahan ng pagpatay sa kanyang sariling ama ang ipina-repatriate ng Philippine National Police (PNP) matapos itong maaresto sa United Arab Emirates (UAE) kamakailan.
Inihayag ni PNP chief Director General Oscar Albayalde na si Nelson Bermejo Antonio, 49, ay sinundo ng magkasanib na PNP teams sa pamumuno ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Police Drug Enforcement Group (PDEG), at ng Police Attache to UAE. Dumating si Antonio at ang repatriation team sa Manila dakong 11:30 a.m nitong Linggo matapos maaresto ang supek noong Pebrero 16.
Ayon kay Albayalde, umamin si Antonio sa prosecutors noong 2013 sa pagpatay sa kanyang ama, ang negosyanteng si Antonio P. Antonio. Ang biktima ay binaril ng anim na beses noong Setyembre 11, 2013 sa loob ng kanyang bahay sa Concha Cruz Drive, BF Executive Homes, Parañaque City.
Ayon kay PDEG Director Albert Ignatius Ferro, taong 2014 nang lumapit sa kanya ang pamilya ng pinatay na businessman noong siya ay hepe ng Major Crimes Investigation Unit of the CIDG (CIDG-MCIU) para humiling ng tulong na maaresto ang panganay nilang anak.
Sumuko ang suspek sa Paranaque police noong 2013 ngunit ibinigay sa Las Pinas police.
Isa sa mga teorya sa motibo sa krimen ay inakusahan ng ama ang anak ng panloloob sa kanilang compound na nauwi sa kanilang pag-aaway at brutal na pagpatay.
Matapos mabasura ang kaso dahil sa “lack of jurisdiction” ay pinalaya ang suspek. Kasabay nito ay kinasuhan si Antonio ng parricide sa Paranaque Regional Trial Court (RTC) Branch 257 at ipinaaresto ni Judge Rolando How ngunit nakatakas na ang batang Antonio patungo sa Singapore noong Disyembre 28, 2013.
Ayon kay Ferro, isang Filipino worker (OFW) sa Middle East ang nakakilala sa suspek at nagsumbong sa Philippine Police Attache to UAE dahilan para maaresto ang batang Antonio.
Sinabi ni Albayalde na ipipresinta si Antonio RTC Branch 257 ng Parañaque City.
Nagpasalamat naman ang pamilya Antonio sa PNP at sa media sa pagtulong para mahuli ang pumatay sa kanilang padre de pamilya.