Ni JUN FABON, ulat ni Chito Chavez

Isinapubliko na kahapon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang listahan ng 207 opisyal ng barangay na umano’y sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga, na kinabibilangan ng 90 chairman at 117 kagawad.

Kasama ni PDEA Director General Aaron Aquino sa paglalantad sa nasabing listahan sina Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, Dangerous Drugs Board (DDB) Secretary Catalino Cuy, at ang chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, Surigao Del Norte 2nd District Rep. Robert “Ace” Barbers.

Karamihan sa mga naitala sa nasabing listahan ay nagmula sa Region 5, na may kabuuang 70, na sinundan ng Cordillera sa 34, at Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na may 13.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

Nilinaw rin ni Aquino na hindi hit list ang mga pangalang nasa isinapubliko nilang “narco list”.

“There’s no truth that this will serve as a hit list,” sinabi kahapon ni Aquino. “We want to be legitimate in our operations, we want our operations to be transparent.”

Ang pagsasapubliko ng PDEA sa nasabing listahan ay alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nabatid ang mga naturang listahan ay masusing na-validate ng apat na law enforcement intelligence agency ng bansa.

Iniulat na kinasuhan na sa korte ang mga personalidad na nasa listahan, habang hawak na ng PDEA ang mga ebidensiya laban sa mga ito, habang patuloy pa rin ang case build-up sa kaso laban sa mga ito.

Bukod sa 207 opisyal sa listahan, nasa 274 na iba pa ang bina-validate at kapag nakumpleto na ang validation ay ibubulgar din ng PDEA ang pangalan ng mga ito.

Una nang nanawagan ang gobyerno sa mga botante na huwag iboto ang mga kandidatong hinihinalang sangkot sa droga, ilang linggo bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Mayo 14.