Ni PNA
NILINAW ng Department of Health (DoH) na ang Office of the President (OP) ang magbibigay ng P50,000 tulong pinansiyal sa pamilya ng mga naturukan ng Dengvaxia, na namatay matapos maturukan ng anti-dengue vaccine.
“The DoH will check the documents but it is the Office of the President which will release the assistance,” sabi ni Health Undersecretary Enrique Domingo.
Sinabi ni Domingo na ang desisyong ibigay sa OP ang pagbabahagi ng pondo ay upang maiwasan ang mga pangamba na ang tulong pinansiyal ay para pigilan ang mga pamilyang biktima na maghain ng kaso laban sa mga opisyal ng gobyerno na bahagi ng implementasyon ng dengue immunization program.
Upang makatanggap ng tulong pinansiyal, sinabi ng opisyal na kailangang ipresenta sa ahensiya ang petsa ng kaarawan at death certificate, medical abstract at Dengvaxia card ng biktima.
Kapag naipakita ang mga kailangang dokumento, sinabi ni Domingo na titingnan nila “check if the name (of the vaccinee) is on the master list.”
Sa ngayon, nasa 75 na ang sinasabing nasawi na may kinalaman sa Dengvaxia, na ibinahagi sa mahigit 800,000 bata sa buong bansa sa ilalim ng school- and community-based dengue immunization program ng DoH.
Naging kontrobersiyal ang programa matapos aminin ng Sanofi Pasteur, ang kumpanyang gumawa ng ginamit na Dengvaxia vaccine, na maaaring magroon ng severe dengue ang isang naturukan kung hindi pa ito nagkasakit ng dengue.
Nagsagawa na ng imbestigasyon ang Kongreso at ang Senado, na nagresulta ng rekomendasyong kasuhan ang mga responsable sa pagpapatupad ng programa.