Ni ROY C. MABASA
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ng Saudi Arabia ang pagkamatay ng isang Filipino household service worker (HSW) na iniulat na nahulog mula sa ikaanim na palapag ng bahay ng kanyang amo sa lungsod ng Medinah nitong Biyernes.
Sa ulat ng Department of Foreign Affairs, sinabi ng Philippine consulate office sa Jeddah na ang biktima, hindi pa pinapangalanan hanggang sa maabisuhan ang kanyang pamilya, ay nagtamo ng pinsala sa ulo sa insidente noong Abril 27.
Sinabi ni Consul General Edgar Badajos na dinala ang Pinay sa ospital dakong 3:30 ng hapon (8:30 ng gabi sa Manila) ngunit namatay din dahil sa mga tinamong pinsala sa ulo.
Ayon kay Badajos, isang grupo mula sa Consulate General sa Jeddah ang ipinadala sa Medinah para makipagtulungan sa mga awtoridad ng Saudi para sa imbestigasyon ng kaso.