Ni ANNIE ABAD
TAGUM CITY -- Dahil sa matagumpay na pagsasagawa ng Indigenous Peoples Games na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) nabuksan ang ideya na magkaroon ng National IP Championship.
Bagama’t maaga pa umano para pagplanuhan, ayon Kay PSC commissioner Charles Maxey, nakatuon ang ahensiya sa pagpapalawig ng programa at masustinahan ang malugod na pagtanggap ng mga miyembro ng Indigenous group sa bansa.
“We’re very happy for the success of the first leg and we are expecting the same outcome sa mga susunod na leg. And with this kind of support that we are getting from the Local Government Units (LGUs), hindi impossible yung suggestion ni Governor Anthony del Rosario ng DavNor na magkaroon ng National IP Games,” ayon Kay Maxey.
Handa naman umano si Gov. del Rosario na magsilbing host ng National IP Games kung kinakailangan.
“We’ll be very happy kung dito gagawin ang National IP Games,” pahayag naman ni DavNor Provincial Sports Coordinator Giovanni Gulanes.
“We have the facilities and equipments here, actually we are proposing more than eight games nga sa PSC pero sabi nila walo muna. So kung matuloy ang National IP dapat talaga sana dito gawin. Masaya yun,” aniya.
Inamin naman ni Executive Assistant from the office of the Commissioner na si Karlo Pates na hindi naging madali ang kanilang pinagdaanan para matuloy ang nasabing palaro para sa mga katutubo.
“It was not that easy kasi dumaan kami sa anim na meetings with the LGUs at series of coordination meeting with Tribal Council para maipaliwanag sa kanila ang format and concept ng laro. We have to follow their rules kasi may traditions sila na sinusunod so masaya kami kasi after all the hard works, successful tayo,” sambit ni Pates.
Limang leg pa ang magaganap para sa nasabing kompetisyon kung saan gagawin sa Lake Sebu sa South Cotabato, Bukidnon, Nueva Vizcaya, Benguet, at Ifugao.