Ni Mary Ann Santiago

Duguan ang isang lalaki makaraang barilin dahil pag-awat sa away sa Malate, Maynila kamakalawa.

Agad isinugod sa ospital si Marlon Enerio, 29, ng San Marcelino Street, Malate, dahil sa tama ng bala sa kanang braso.

Nakatakas at tinutugis na ng awtoridad ang ‘di pa nakikilalang suspek na inilarawang 5’7” ang taas, malaki ang pangangatawan, at nakasuot ng T-shirt at maong pants.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa ulat mula sa tanggapan ni Police Supt. Emerey Abating, commander ng Manila Police District (MPD)-Station 5, naganap ang pamamaril sa Ma. Orosa Street, kanto ng Remedios St., sa Malate, dakong 9:00 ng gabi.

Sa pagsisiyasat ni SPO1 Rhyan Rodriguez, bago ang krimen ay isang grupo ng mga lalaki ang nagtanong sa isang David delos Santos, 32, pedicab driver, at residente ng Ma. Orosa St., kung saan ang direksiyon patungo sa San Andres Bukid, na sinagot naman umano nito.

Makalipas ang ilang sandali ay bumalik umano ang suspek at ang isa pang lalaki, at kinumpronta si Delos Santos at pinagsisigawan ng, “Pare, bakit niyo naman nililigaw ang mga kababayan ko?!”

Nagtalo si Delos Santos at ang mga suspek, na nakita ng biktima kaya tinangka nitong mamagitan.

Sa halip na magpaawat, pinagbalingan ng suspek ang biktima at binaril bago tumakas.