Ni Ric Valmonte
NAGKUKUMAHOG ngayon ang Department of Labor and Employment (DoLE) at ang Department of Foreign Affairs (DFA) na maayos ang sigalot sa pagitan ng Pilipinas at ng Kuwait. Ikinagalit kasi ng Kuwaiti government ang ginawa ng mga tauhan ng Philippine Embassy na pagsagip sa Philippine migrant worker, na inabuso ng kanyang amo. Ayon dito, ang ginawa ng Philippine Embassy Staff ay paglabag sa tuntunin at patakaran nito. “Hindi makatwiran na ang grupo ng Philippine embassy ay gumala-gala sa mga kalye ng Kuwait at sagipin ang sinumang tao at dalhin sa kanilang embassy sa pagkukunwari na ang katulong ay inabuso ng kanyang amo. Paglabag ito sa aming soverania,” wika ni Parliament meniber Askar Al-Enezi. Ang sitwasyon, aniya, ay lumampas na sa hangganan ng diplomasya na maituturing nang pakikialam sa gawain ng bansa.
Ganito katindi ang naging epekto ng ginawa ng mga tauhan ng Philippine Embassy sa Kuwait, kaya ideneklara nitong persona- non grata si Philippine Ambassador Renato Villa. Bago ito maganap, nagbabala si ACTS-OFW party list Rep. Aniceto Bertis sa Kuwait na huwag nitong tatangkaing patalsikin si Villa. “Kapag pinatalsik ang ating ambassador, hindi hahayaang hindi sagutin ito ng ating bansa.” Ang problema, pagkatapos mapalayas ng Kuwaiti government si Ambassador Villa, lumabas na ng bansa ang ambassador bago pa man magsampa ng diplomatic protest ang DFA. Inaresto ang apat na diplomat sa embahada ng Pilipinas at hinahanap pa ang tatlong kasama ng mga ito na nagsagawa ng pagsagip.
Akala kasi ng mga lider natin, lalo na si Pangulong Digong, sila lamang ang matapang. Ilang beses kasing dinuro ng Pangulo ang Kuwait. Pinigil niya ang deployment ng mga OFW sa Kuwait dahil isang domestic helper natin ang pinatay ng mag-asawang among Kuwaiti. Matagal din bago natagpuan ang bangkay ng OFW. Kapag hindi umano ginalang ng mga Kuwaiti ang ating mga OFW, hindi niya pahihintulutang magtungo ang mga Pilipino sa Kuwait para magtrabaho. Ngunit, matapang din pala ang Kuwait. Hindi ko alam kung ano ang itatawag sa ginawa nitong pagpapalayas sa kinatawan ng kapwa mo bansa sa iyong teritoryo kung hindi katapangan. Insulto ito sa ating mga Pilipino. Pero, ano ang inaasahan nating mangyayari sa atin sa ginagawa at inaasal ng ating mga pinuno? Akala ng mga nagsagawa ng pagsagip ay komo matapang ang Pangulo, dapat matapang din sila kahit sa ibang bansa nila ipinamamalas ang kanilang katapangan. Kaya, tama si Sen. Francis Pangilinan na sibakin ang mga opisyal na ito. Nagtapang-tapangan sila ala Pangulong Digong.