Ni Bert de Guzman
KUNG baga sa pagtulog, gising na ngayon ang China. Gising na gising na ang HIGANTE na may 1.3 bilyong populasyon sa ilalim ng pamumuno ni Xi Jinping. Matagal na natulog ang China, pobre, gutom at walang puwersa. Tinawag nga itong “The Sleeping Giant.” Maging si Rip Van Winkle ay matagal ding nakatulog, pero ang China nang magising ay naging makapangyarihan.
Ang dambuhalang bansa nina Mao Tse Tung, Deng Shao Peng at XI Jinping ay may tapang na ngayong bumangga sa nagsosolong Superpower sa mundo, ang United States ni Donald Trump. Kaya na nitong mam-bully ng mga bansa sa Southeast Asia, tulad ng pananakot nito sa Pilipinas at pag-okupa sa mga reef at shoal na saklaw ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ). Naghahari-harian ito sa West Philippine Sea o South China Sea.
Di ba sinakop na nito ang Panganiban Reef (Mischief Reef) at ang Panatag Shoal (Scarborough Shoal)? Hindi na malaya ang ating mga mangingisda sa Panatag Shoal na daang taong nangingisda roon kung walang permiso sa China. Nananatiling tameme ang ‘Pinas sa mga aksiyong ito ng China sa katwirang pag umalma at nagreklamo raw tayo, ay baka giyerahin at mamasaker lang ang ating mga kawal at pulis. Eh hindi naman tayo makikipaggiyera.
Komento ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Kung ang US ang Number One Superpower, ang China naman ngayon ang Number One Bully”. Sabad ni senior-jogger: “Ang mahina noon ay malakas na ngayon. Di ba si Rizal ang nagsabing ‘Aanhin ko ang kalayaan kung ang alipin noon ay siya namang mang-aalipin (tyrant) sa kinabukasan’.”
May isa akong kasamang jogger na punung-puno ng pagkabuwisit sa mga aksiyon at paninindigan ng administrasyon ngayon. Sabi ko sa kanya, relax lang dahil sinisikap naman ni PRRD na paginhawain ang kalagayan sa buhay ng 103 milyong Pilipino. Nais niyang masugpo ang talamak na illegal drugs sa bansa at masugpo ang graft and corruption.
Payo ko sa kaibigang jogger: “Huwag mo nang intindihin ang pahayag ni PRRD at Harry Roque tungkol sa isyu ng soberanya kaugnay ng kaso ni Sister Patricia Fox, isang Australian missionary, na nakikialam daw sa soberanya ng bansa.
Tugon ng kaibigan: “Papaano namang di ako mabubuwisit eh bulalas sila nang bulalas sa soberanya ng Pilipinas eh bakit ‘di sila nagpoprotesta sa China na hindi lang pinakikialaman ang soberanya natin, kundi sinasakop at inookupahan pa ang ating teritoryo sa West Philippine Sea?” Palagay ko ay tama sa puntong ito si kaibigan.