Ni Martin A. Sadongdong

Arestado ang isang lalaki na umano’y nagpapanggap na albularyo upang ikubli ang kanyang abortion services, sa isang operasyon sa Rodriguez, Rizal kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Chief Superintendent Guillermo Eleazar, regional director ng Calabarzon Police Regional Office (PRO-4A), ang suspek na si Randy Picardal, alyas Tata, nasa hustong gulang, ng Sitio Hamuyuan, Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal.

Base sa inisyal na imbestigasyon, nagsilbi ng search warrant ang mga tauhan ng Rodriguel Municipal Police Station, sa pangunguna ni Superintendent Pablito Naganag, laban kay Picardal sa loob ng bahay nito, bandang 6:00 ng umaga.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

Sinabi ni Eleazar na matagal nang nagsasagawa ng intelligence operation ang awtoridad laban kay Picardal, dahil sa mga sumbong tungkol sa umano’y lihim na abortion activities.

“Sabi ng mga kapitbahay, palagi raw may mga pumupunta na mga babae, mga estudyante at mga naka-SUV pa. Ang front niya albularyo siya,” sabi ni Eleazar.

Nasamsam kay Picardal ang isang caliber .38 revolver, na kargado ng anim na bala, isang home-made sumpak, iba’t ibang klase ng bala, at dalawang sako ng gamit at puno ng dugo na mga diaper, ayon kay Eleazar.

Natagpuan ng awtoridad ang “Makabuhay” vines, na ginagamit umano sa pagpapalaglag ng sanggol, na nakatanim sa likod ng bahay ng suspek at isang pitong buwang gulang na fetus na isinilid sa plastic container, dagdag ni Eleazar.

Ikinulong si Picardal sa Rodriguez Municipal Police Station detention facility.

Sasampahan ng kaukulang kaso si Picardal, kabilang ang paglabag sa Republic Act 10591 o Illegal Possession of Firearms and Ammunition Act at posible rin ang abortion-related cases sa ilalim ng Revised Penal Code.