Ni Aaron B. Recuenco at Fer Taboy
Magdi-deploy ng 10,000 pulis sa Metro Manila upang bantayan ang mga kilos-protesta na isasagawa bukas, Mayo 1, Araw ng Paggawa.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Director General Oscar Albayalde, ilang grupo ang inaasahang magmamartsa at magtitipun-tipon sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Unang nang sinabi ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at ng Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa na aabot sa 150,000 miyembro at tagasuporta ang makikilahok sa protesta sa Mayo 1.
Inihayag ni Albayalde na wala pang nakukuhang impormasyon ang awtoridad hinggil sa nasabing bilang ng magpoprotesta.
Kaugnay nito, tiniyak ni Albayalde na magpapatupad ng maximum tolerance ang mga pulis sa pagharap sa mga magpoprotesta.
Ayon kay National Capitol Region police chief Director Camilo Pancratius Cascolan, naka-full alert ang mga pulis sa Metro Manila bilang paghahanda para sa Araw ng Paggawa.
“We will be deploying more or less 10,000. We are on full alert,” ani Cascolan.
Karaniwan nang nagsasagawa ng kilos-protesta ang mga militanteng grupo sa Mendiola and Liwasang Bonifacio tuwing Mayo 1.
Ngayong taon inaaasahang magiging mas marami ang makikiisa sa kilos protesta, matapos hindi natupad ni Pangulong Duterte ang pangakong wawakasan ang contractualization.