Ni ROMMEL P. TABBAD

Iniutos ng Office of the Ombudsman na sibakin sa serbisyo ang isang alkalde ng Zamboanga del Sur dahil sa pagkakasangkot sa umano’y maanomalyang farming projects, na pinondohan ng P5 milyon, noong 2014.

Bukod kay Margosatubig, Zamboanga del Sur Mayor Roy Encallado, inatasan ding masibak sa serbisyo sina Bids and Awards Committee (BAC) Chairman Arwin Alpha, BAC Members Alex Villarin, Elvira Emia, Andres Limatoc, at Merlinda Ambaic; Municipal Accountant Eien Maning; National Resource Management Focal Person at Municipal Planning Officer Ludivina Salazar; at Inspection Officer Pilar Locop.

Sa ruling ng anti-graft agency, napatunayang nagkasala ang mga ito sa grave misconduct dahil sa maanomalyang pagbili ng supply sa Barcelona Spring Farm (BSF), na nagkakahalaga ng P4,112,366.02.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Natuklasan sa imbestigasyon na tumanggap ang munisipyo ng Margosatubig ng P5 milyon mula sa Department of Agriculture (DA) para sa implementasyon ng aquamarine farming projects ng kagawaran noong 2014.

Ginamit ang pondo sa pagbili ng mga fish cage, fingerlings at pampakain ng isda kahit hindi sila nagsagawa ng public bidding.

Nang madiskubre ang anomalya, nagpalabas ng notice of disallowance ang Commission on Audit (CoA) noong Abril 14, 2016.

Paliwanag ng CoA, kabilang sa nilabag ng mga akusado ang hindi paglalathala ng invitation to bid sa Philippine Government Electronic Procurement System, at hindi pagpapataw ng warranty security, alinsunod na sa Government Procurement Reform Act (Republic Act No. 9184).

“The respondents paid BSF as early as January 2015 even prior to completion of the delivery, inspection and acceptance of the supplies on 20 February 2015. On 06 January 2016, the COA conducted an ocular inspection of the project site and found that no fish cages were installed and no fingerlings or fish feeds were delivered,” ayon pa sa desisyon ng Ombudsman.