Ni ANNIE ABAD

TAGUM CITY -- Malaki ang pasasalamat nang nag-iisang anak ng Datu ng tribu ng Ata-manobo na si Prinsesa Anie Prel Aling sa Philippine Sports Commission (PSC) sa pagsasagawa ng kauna-unahang Indigenous Peoples Games sa Provincial Sports Complex dito.

princess copy

“Isang malaking karangalan po ito para sa aming may mga miyembro ng tribo na mabigyang pansin po ng PSC at mapagbigyan na maibahagi po ang aming kultura at husay sa mga tradisyunal na sports,” pahayag ng 15-anyos na si Prinsesa Aling.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kabilang ang Prinsesa sa mga sports officials na nag dedesisyon sa mga labanan sa naganap Mindanao leg ng nasabing kompetisyon para sa mga miyembro ng Indigenous people.

“Kasama po kasi sa responsibilities ko po bilang Prinsesa na anak ng Datu ay maging active po as mga community works at isa nga pong malaking karangalan ang mapabilang po ang tribu namin sa ganitong event,” pahayag ng Prinsesa na anak ni Datu Arnold Aling na isang negosyante at maybahay nitong si Arlene.

Kabilang si Prinsesa Aling sa mga kinatawan ng Tribu buhat sa bayan ng Sto. Tomas na humataw sa nasabing Indigenous Peoples Games.

Nagpasalamat ang nasabing Prinsesa sa paghahatid ng PSC sa nasabing event na naglalayon na maipahatid ang sports sa lahat ng kabataan saan mang sulok ng bansa.

“Maraming salamat po sa PSC para dito. Tinulungan po ninyo kaming panatilihin ang aming kultura sa panahon na kung saan ay mataaa na ang pagkilala ng mga tao sa modernisasyon at teknolohiya,” aniya.

Samantala, dinomina ng tribo ng Samal ang 100m dash matapos na magwagi ang kanilang pambato sa men’s at women’s class sa unang araw ng pagsabak ng Indigenous Peoples Games sa Provincial Sports Complex dito.

Sina Charl Vincent Ticaaas at Shiela Mae Banggat ng Samal tribe ang mga nag kampeon sa century dash, kung saan pumangalawa sa kanila ang tribu ng Panabo at pangatlo ang Asuncion.

Ang nasabing century dash ay walang katumbas na oras gayong nais ng mga technical officials na mga miyembro din ng mga tribo na sundin ang kanilang nakagawiang pamantayan sa nasabing takbuhan.

Nanguna naman sa larong Kadang-kadang ang tribo ng Kapalong kung saan gamit ang dalawang matataas na kawayan na tinuntungan ng mga manlalaro at nag unahan sila na makapunta sa obstacle at makabalik hanggang sa huling manlalaro.

Sa lubok sa himok o pagbayo nanguna ang tribo ng Asuncion kung saan nag unahan sa pagbayo ng bigas ang mga tribo at ang pinaka maraming kilo ang siyang panalo.