By Bert de Guzman
May P1.96 bilyon pala ang mawawalang kita o revenue ng gobyerno sa pagpapasara sa Boracay Island, ayon kay NEDA Sec. Ernesto Pernia. Ilan naman kayang mga manggagawa ang mawawalan ng trabaho? Sa tantiya ng mga eksperto, maaaring umabot sa 30,000 manggagawa ang mawawalan ng hanap-buhay.
Hindi ba pinagsisikapan ng Duterte administration na bigyan ng trabaho ang mga Pinoy upang sila ay makakain ng tatlong beses sa maghapon? Paano na ngayon ang may 30,000 tao na mawawalan ng trabaho dahil sa pagpapasara sa isla ng Boracay sa loob ng anim na buwan?
Para sa mga Pilipino, ang pagpapataas ng sahod ng mga manggagawa at pagkontrol sa implasyon (inflation) ang dapat pagtuunan ng pansin ng administrasyon. Batay sa Pulse Asia survey noong Marso 23-28, lumilitaw na 50% ng mga Pinoy ay konsernado sa isyu ng pagtataas sa sahod ng mga laborer. Kailangang madagdagan ang kanilang kita lalo na ngayong nananagasa ang TRAIN.
Ang iba pang mga isyu na itinuturing na “most urgent” na dapat aksiyunan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ay ang sumusunod: Poverty reduction (33%); job creation (32%); fighting criminality (27%); fighting graft and corruption in the govt (22%); promoting peace and order (22%); reducing the amount of taxes paid by Filipinos (15%); protecting welfare of the OFWs (13%); enforcing the rule of law (10%); at protecting the environment (10%). May nagtatanong:
Bakit wala ang pagsugpo sa illegal drugs?
Ibinasura ng Supreme Court (SC) ang petisyon na matanggal si Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa puwesto dahil umano overstaying na siya roon. Siya ay hinirang ni ex-PNoy noong 2012. Buong pagkakaisang itinapon ng SC ang petisyon na inihain nina ex-MRT-3 general manager Al Vitangcol at lawyer Nathaniel Ifurung, dahil sa kawalan ng merito.
Humingi na ng paumanhin ang Pilipinas sa Kuwait bunsod ng pagre-rescue ng mga staff ng PH embassy sa distressed Filipinos o inaabusong mga Pilipino, lalo na ang kababaihan. Para sa Kuwaiti government, labag ito sa “diplomatic norms and an infringement on Kuwait’s sovereignty”. Pinatatalsik at pinauuwi rin ang ambassador doon na si Renato Villa. Kaylupit naman ng Kuwait.
Eh bakit ang Kuwait ay hindi nag-apologize sa Pilipinas nang ang isang OFW natin, si Joanna Demafilis, ay brutal na pinatay roon, isinilid pa sa freezer, matapos na siya ay maltratuhin at pahirapan bago pinatay?