Ni Kate Louise Javier

Tatlong katao, kabilang ang isang menor de edad, ang inaresto matapos masamsaman ng ilang pakete ng hinihinalang shabu sa loob ng umano’y drug den sa Caloocan City, kahapon ng umaga.

Kinilala ang mga inaresto na sina Gabriel Galgana, 41, barker; Daniel Rex Garado, 22, construction worker; at isang 17-anyos na lalaki na pawang residente ng Barangay 176 sa Caloocan.

Sa isang panayam, umamin ang mga suspek na sila ay gumagamit ng ilegal na droga. Gayunman, itinanggi nilang nagbebenta sila ng ilegal na droga.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay Galgana, na naharap sa kasong frustrated murder noong 1980, ang kanilang supplier ay ang anak ng dating barangay councilman sa lugar.

Sa ganap na 8:00 ng umaga, nagsagawa ng simultaneous anti-criminality operation ang mga tauhan ng Police Community Precinct 3 sa Barangay 176, nang iulat ng isang concerned citizen ang nagaganapa na ilegal na sugal sa bahay ni Galgana sa Phase 4.

Naabutan ng awtoridad ang mga suspek na naglalaro ng cara y cruz.

Kinapkapan ang tatlo at nakuha ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu, ayon kay PO1 Jomar Manalo.

Sasampahan sina Galgana at Garado ng kaukulang kaso habang itinurn over ang menor de edad sa kustodiya ng social welfare ng lungsod.