By Fr. Anton Pascual
MGA Kapanalig, sabi nga sa Ebanghelyo ni San Juan, “the truth will set you free.” Katotohanan ang magpapalaya sa atin. Ngunit sa panahon natin ngayon, marami ang pilit na itinatago o kaya naman ay binabaluktot ang totoo.
Gaya na lamang sa isyu tungkol sa kung sino nga ba talaga ang nanalong ikalawang pangulo ng Pilipinas. Nagpapatuloy ang manu-manong pagbibilang ng Presidential Electoral Tribunal o PET sa mga botong nakuha ng mga tumakbo sa pagka-bise presidente noong 2016. Tugon ito ng Korte Suprema sa election protest ng natalong kandidato na si Bongbong Marcos, anak ng diktador na si Ferdinand Marcos, laban sa nanalo at kasalukuyan nating bise presidente na si Leni Robredo. Matatandaang bago pa man pormal na ideklarang pangalawang pangulo si VP Leni, inakusahan na siya ng kanyang kalaban ng pandaraya. (Talaga namang napakabihirang may tumanggap ng pagkatalo sa eleksyon dito sa Pilipinas; lagi na lang silang dinadaya.)
Halos dalawang taon na ang hidwaang ito sa pagitan nina Ginoong Marcos at VP Leni. Kapwa sila naghain ng mga counter-protests at motions for reconsideration. Kasabay ng mga ito ang batuhan ng putik ng kanilang mga taga-suporta, lalo na sa social media. Nariyang inakusahan si VP Leni ng pakikipagkuntsabahan sa Comelec at Smartmatic upang mabilang ang mga boto kahit maliit ang shade o pagkakaitim sa balota.
Samantala, nililito naman daw ng kanyang kalaban ang mga kasapi ng PET dahil sa kung anu-anong reklamo, gaya ng mga basáng balota at sa paglalabas ng mga testigong hindi naman pala rehistradong botante. Kaya mukhang mas marami pang tanong kaysa sagot ang lumalabas habang patuloy ang muling pagbibilang ng mga boto, ngunit nakalulungkot na may bahid ng malisya at personal na interes ang mga nasa likod ng electoral protest na ito. Mailap pa sa ngayon ang katotohanan sa likod sa isyung ito ngunit patuloy ang ating pag-asang lalabas ito sa takdang panahon.
Kabilang ang katotohanan o truth—kasama ng kalayaan, katarungan, at pag-ibig—sa mga tinatawag ng ating Simbahan na fundamental values of social life o mga batayang pinahahalagahan natin sa ating buhay-panlipunan. Mahalaga ang pag-iral ng katotohanan sa lipunan upang maisulong ang kagalingan ng lahat o ang common good. Kung kontrolado ng iilan ang katotohanan o kung pilit itong itinatago para isulong ang interes lalo na ng mga makapangyarihan, nahahadlangan ang pag-unlad ng bawat isa. Wika nga ni Pope Benedict XVI, “When... truth is violated, peace is threatened, law is endangered, then, as a logical consequence, forms of injustice are unleashed.” Kapag nilalabag ang katotohanan, nanganganib ang kapayapaan at ang pag-iral ng batas, at bunga nito ang kawalan ng katarungan.
Kaya bilang mga Kristiyano, tungkulin ng bawat isa sa ating laging kumiling sa katotohanan, ang igalang at maging responsableng saksi nito. Kung igagalang at ipaglalaban ng lahat ang katotohanan, at gagamitin itong gabay sa pagtugon natin sa mga hamong kinakaharap natin bilang isang bayan, tiyak na walang maiiwan, walang maaabuso, at walang mapagkakaitan ng katarungan.
Hamon sa pagpapahalaga natin sa katotohanan bilang isang bayan ang pagkuwestiyon sa integridad ng nakaraang halalan.
Susubukin nito ang ating mga institusyong may tungkuling hanapin ang katotohanan alang-alang sa isang malaya at makatotohanang eleksyon. Hindi lamang ang reputasyon ng magkalabang kampo ang nakataya sa isyung ito, kundi ang katotohanang maaaring magpatatag o kaya nama’y magpahina sa demokrasya sa ating bansa.
Bilang mga mamamayan, gamitin natin ang pagkakataong ito upang panindigan ang katotohanan—tutukan natin ang pagbibilang ng mga boto, suriing mabuti ang mga naririnig at nababasang balita, at sa halip na makipag-away sa mga hindi natin kasundo sa pulitika, subukin natin silang abutin nang mahinahon at may inihahaing ebidensya. Hindi natatapos sa pagboto ang pagiging isang mabuting mamamayan; naisasabuhay natin ito sa araw-araw na paninindigan at pagtataya para sa katotohanan.
Sumainyo ang katotohanan.