Ni MARY ANN SANTIAGO
Nasa 200 bahay ang nilamon ng apoy sa isang residential area sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Manila Fire Department (MFD), nagsimula ang sunog sa gitnang bahagi ng Barangay 312, Zone 31, na sakop ng Oroquieta Street kanto ng Lope de Vega at D. Jose, sa Sta. Cruz, dakong 7:15 ng gabi.
Sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula ang sunog sa sumabog na super kalan sa ikalawang palapag ng inuupahang bahay ng isang alyas Josie.
Mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay na pawang gawa sa light materials.
Agad inilikas ang mga sanggol at pasyente sa Jose Fabella Hospital, gayundin ang mga preso sa Manila City Jail, na matatagpuan sa naturang lugar.
Ayon sa isang residente, na tumangging magpabanggit ng pangalan, ang mga preso ang unang nakapansin sa apoy at inalerto ang mga residente sa pamamagitan ng pagbato sa mga tahanan.
Idineklarang under control ang apoy dakong 11:48 ng gabi at tuluyang naapula dakong 3:10 ng madaling araw.
Walang iniulat na nasaktan sa insidente habang tinatayang mahigit 600 pamilya ang nawalan ng masisilungan.
Patuloy na inaalam ang halaga ng natupok na ari-arian.