Ni Betheena Kae Unite
Naaresto na ang dalawang lalaki na nag-import sa Pilipinas ng P20 milyong halaga ng shabu mula sa California, USA, sa magkahiwalay na operasyon sa Maynila at Makati City, nitong Biyernes ng hapon.
Dinampot ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs, Philippine Drug Enforcement Agency at ng iba pang ahensiya mula sa NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) sina Antonio Lobiano Baguinbin, 38, ng Sta. Ana, Maynila; at Gundelina B. David, 64, ng Malate, Maynila.
A y o n k a y C u s t o m s Commissioner Isidro Lapeña, nag-ugat ang operasyon sa tip mula sa US Drug Enforcement Administration.
Ayon sa awtoridad, in-import ni Baguinbin ang dalawang kilo ng methamphetamine hydrochloride o shabu, na nagkakahalaga ng P10 milyon, at itinago sa package na idineklarang home furniture –car seat booster.
Sa pagsisiyasat, dalawang pouch ng 821.4 gramo at 1,251.4 gramo ng colorless crystalline substance ang nadiskubre sa loob ng package na ibiniyahe mula sa 24900, Anza Drive, Valencia, California, US ng isang Schiit Audio. Ayon sa Customs bureau, dumating ang package sa Pilipinas noong Abril 23 sa FedEx Warehouse sa Pasay City.
Samantala, si David ang nag-import ng dalawang kilo ng shabu, na nagkakahalaga ng P10 milyon, na itinago sa package na idineklarang baby crib.
Ipinadala ang naturang package ng isang Robert Knight mula sa California para kay Phoy M. Dela Cruz ng 1605 Pedro Gil Street, Ermita, Myanila.
Kapwa nasa kustodiya na ng Philippine Drug Enforcement Agency ang mga suspek na sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.