Ni Alexandria Dennise San Juan at Genalyn D. Kabiling
Bumaba ang net trust ratings ni Pangulong Rodrigo Duterte mula sa “excellent” +75 noong Disyembre 2017 sa “very good” +65 nitong Marso, ayon sa huling survey ng Social Weather Stations.
Batay sa first quarter survey ngayong taon, ipinakita ng mga resulta na tatlo sa apat na Pilipino o 76 porsiyento ang nasabing sila ay may “much trust” sa Pangulo, 14% ang “undecided,” at 10% ang nagsabing sila ay may “little trust”
Ipinahihiwatig ng resulta ang net trust rating na +65 (% much trust minus % little trust, correctly rounded), na “very good”, batay sa SWS.
Ang huling net trust ratings ni Pangulong Duterte ay 10-puntos na mas mababa at bumaba ng isang grado mula sa “excellent” +75 noong Disyembre 2017, at katulad sa “very good” +60 noong Setyembre 2017.
Sa walong survey na isinagawa ng SWS simula Hunyo 2016, ang net trust rating ni Duterte ay “excellent” sa anim, at “very good” sa dalawang survey.
Ipinakita ng resulta ng mga survey na isinagawa mula Marso 23 hanggang 27 na ang net trust ratings ni Panguling Duterte ay nananatiling “excellent” sa Visayas at Mindanao, at “good” sa Balance Luzon, ngunit bumaba ng isang grado mula “excellent” at naging “very good” sa Metro Manila.
Nagpasalamat naman si Pangulong Duterte sa patuloy na tiwala ng publiko sa kanyang liderato sa kabila ng walang humpay na mga pag-atake sa kanya, sinabi ng Malacañang kahapon matapos lumabas sa survey na bumaba ang kanyang trust rating sa first quarter ng taon.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ikinalulugod nila ang “very good” trust rating ng Pangulo at tiniyak na patuloy na pagtutuunan ang pagpapabuti sa buhay ng mamamayang Pilipino.
“We are thus grateful for our people’s vote of confidence with significant trust in the President, amid being subject to unending criticisms and attacks,” ipinahayag ni Roque.
“Rest assured that the President will continue to steer the ship of State until we reach a drug-free destination where the country’s macroeconomic fundamentals would be strong and resilient so Filipinos could lead comfortable lives,” dugtong niya.