PAGKATAPOS ng mass shooting noong Pebrero 14, nang isang teenager na nasiraan ng bait ang pumatay sa 14 na estudyante at tatlong guro sa isang high school sa Florida, nagdaos ng mga karaniwan nang kilos-protesta na nananawagan ng mas istriktong gun control. Lumawak ang mga protesta sa Amerika at nagtuluy-tuloy hanggang sa huling bahagi ng Marso.
Subalit gaya ng inaasahan ng marami, walang kinahinatnan ang mga kilos-protestang ito. Malalim nang nakaukit sa tradisyong panlipunan at sa gobyerno ng Amerika ang pagtutol ng mga gun rights advocate sa anumang hakbangin na susupil sa karapatan nilang magmay-ari ng armas, bukod pa sa napakamakapangyarihan ng industriya ng armas ng Amerika. Napaulat ang ilang mungkahi mula kay President Donald Trump, gaya ng pagtataas sa 21 anyos ng limitasyon sa edad para makabili ng baril. Ipinanukala rin na armasan ang mga guro para protektahan ang kanilang mga estudyante.
Subalit tinanggihan ng mga opisyal ng Amerika ang panawagang ipagbawal sa mga sibilyan ang pagbili ng mga military assault weapon, na kayang magpakawala ng daan-daang bala sa loob lang ng ilang segundo, gaya ng popular na AR-15. Walang gustong baguhin ang Kongreso sa nasabing batas. Marami ang nagsasabing sa loob lamang ng ilang buwan ay magkakaroong muli ng panibagong mass shooting.
At nangyari nga ito nitong Linggo, Abril 22. Isang lalaking armado ng AR-15 ang namaril sa mga nakaupong kustomer sa isang restaurant sa Nashville, Tennessee. Apat na ang napatay niya nang pigilan siya ng isang kustomer at nagawa ng huli na mailayo sa salarin ang AR-15. Nagmamadali naman siyang umalis sa lugar. Kinilala siya bilang si Travis Reinking, na inaresto noong 2017 sa isang ipinagbabawal na lugar malapit sa White House, bitbit ang parehong AR-15 na ginamit niya nitong Linggo.
Sa news conference kinabukasan, sinabi ng acting mayor ng Nashville na si David Briley: “Last night, innocent Nashvilians were terrorized by a man with an AR-15. Let’s be honest. Some people see these weapons as having a purpose of terrorizing other people. It’s happening too much. Enough is enough. We need comprehensive gun reform to address mass shootings, domestic shootings, accidental shootings, and homicides. If we can all come together for this and for the greater good, we can take these weapons of war off the streets of our country.”
Kalaunan, inihayag ng Tennessee Bureau of Investigation na napabilang na si Reinking sa Top Ten Most Wanted List ng Amerika. Kaagad din siyang naaresto. At dito na nagtatapos ang usapin. Ang tanging magagawa natin, at ng buong mundo, ay mamangha kung paanong hindi inaaksiyunan ng Amerika ang problema na paulit-ulit na nangyayari na may ilang buwan lamang na pagitan.