Ni Beth Camia
Nagpasaklolo sa Public Attorney’s Office (PAO) ang pamilya ng isang 11-anyos na lalaki na namatay matapos maturukan ng Dengvaxia sa Tanza, Cavite.
Ayon kay Francisco Sedilla, ng Barangay Julugan, Tanza, Cavite, nakumpleto ng kanyang anak na si Francis Ivan Sedilla ang tatlong doze ng naturang bakuna.
Unang tinurukan ng Dengvaxia si Francis noong Hunyo 23, 2016; nasundan noong Enero 18, 2017; at noong Setyembre 7, 2017.
Aniya, Nobyembre 3, 2017 sumakit ang tiyan ng kanyang anak at naging matamlay sa buong maghapon.
Lumobo rin at nanigas ang tiyan ng kanyang anak, mapula ang ihi, nanlamig ang katawan at pinagpawisan.
Kinaumagahan, Nobyembre 4, 2017, ay isinugod sa ospital ang biktima at makalipas ang dalawang oras ay binawian ng buhay.
Ayon sa doktor, pumutok ang ependix ni Francis ngunit hindi naniniwala ang pamilya Sedilla at nagpasaklolo sa PAO.
Kaugnay nito, nangangamba si PAO chief, Atty. Persida Acosta na hindi mareresolba at mauwi lamang sa wala ang usapin sa Dengvaxia.
Ibinunyag ni Acosta na kabilang si Secretary Francisco Duque sa mga nag-umpisa ng clinical trial para sa Dengvaxia.
Hindi rin umano sinabi ng kalihim na ang Dengvaxia ang nagiging sanhi ng apat na “fatal risk”, na maaaring maging sanhi ng pagkamatay ng pasyente.
Ayon pa kay Acosta, si Duque ang nagsilbing consultant ni dating Health Secretary Janette Garin kaugnay ng implementasyon ng programa para sa anti-dengue vaccine.