Ni Roy C. Mabasa

Bukod sa pagpapatalsik kay Ambassador Renato Villa, tila hindi rin nakaligtas ang iba pang Filipino diplomat sa buwelta ng Kuwaiti government laban sa tinawag nitong “flagrant and grave breach of rules and regulations” sa pagsagip sa isang OFW ng mga tauhan ng Philippine Embassy.

Lumutang ito habang tikom ang bibig ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa kinaroronan ni Raul Dado, executive director ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA), na umano’y nanguna sa grupo ng pitong “reinforcement” mula sa DFA at Philippine Embassy.

Iniulat ng state-run Kuwait News Agency nitong Miyerkules na sinabi ng Ministry of Foreign Affairs na ang pitong teams na binanggit ay ipinadala ng “foreign ministry of the Asian nation” at affiliated sa “foreign undersecretary for labor in immigration.”

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Bago ang deadline noong nakaraang linggo sa amnestiya ng Kuwait sa undocumented foreign nationals, isang delegasyon ng DFA na binubuo nina Undersecretary for Migrant Workers Affairs Sarah Lou Arriola, Assistant Secretary Elmer Cato at Dado ang lumipad sa Arab state para umasiste sa repatriation ng daan-daang undocumented overseas Filipino workers.

Sa panahong ito, ibinahagi ni Asst. Sec. Cato, namumuno sa Office of Public Diplomacy ng DFA, ang dalawang video clips ng actual rescue missions sa mga miyembro ng media sa pamamagitan ng DFA Press Viber account.

Ang nasabing footages na nagpapakita sa pagsagip ng Embassy staff na walang kasamang local authorities ang nagbunsod ng diplomatic protests ng Kuwaiti government, na nauwi sa pagpapalayas kay Ambassador Villa at pagpapauwi kay Kuwaiti Amb. Musaed Saleh Ahmad Althwaikh.

Iba-iba ang ulat ng media sa aktuwal na bilang ng mga Pilipino na inaresto ng Kuwaiti authorities kaugnay sa rescue mission. Sa ngayon, iniulat na apat katao ang nasa kustodiya ng Kuwaiti government.

Sa pahayag nitong Huwebes, sinabi ng DFA na idinetine ng Kuwait ang 4 na Pinoy na tauhan ng Philippine Embassy at may pending arrest warrants laban sa 3 diplomatic personnel.

Hindi ibinigay ng DFA ang pangalan ng mga inaresto at ng tatlo pang nahaharap sa pag-aresto.

Sinabi ng isang senior diplomat na humiling na huwag pangalanan, na beneberipika na nila ang mga ulat na kabilang si Dado sa mga inaresto sa Kuwait.