Ni Mary Ann Santiago
Tatlo ang kumpirmadong patay sa pagsiklab ng apoy sa mga tindahan sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Sa mopping operation na nadiskubre ng mga tauhan ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP) ang bangkay nina Zardy Luna, 37; Angelito Jumares, 52; at Dennis Magdaet, 30, pawang stay-in worker sa Charipp Trading na matatagpuan sa Blumentritt Street, sa Sta. Cruz.
Sa ulat ng arson investigators, nagsimulang sumiklab ang apoy sa ikatlong palapag ng nasabing gusali, na tindahan ng mga linoleum, school supplies at mga kurtina, dakong 3:08 ng madaling araw.
Nakababa pa umano ang mga biktima sa ground floor ng gusali, at tinangkang lumabas sa isang maliit na bintana.
Gayunman, tuluyang nakulong ang mga ito at nasawi nang bumagsak ang mezzanine ng gusali.
Nadamay sa insidente ang isang patahian, grocery, botika, at mga tindahan.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog, na nag-ugat umano sa faulty electrical wiring, bago idineklarang under control dakong 4:00 ng madaling araw at tuluyang naapula sa ganap na 5:50 ng madaling araw.