Ni Martin A. Sadongdong
Dinakma ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang dalawang umano’y tagasuporta ng teroristang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa magkahiwalay na operasyon sa dalawang bayan sa Laguna, nitong Huwebes ng madaling-araw.
Sina Jimuel Velasco, alyas “Amir”; at Eddie Boy Alejo Bermejo, alyas “Abdullah”, ay dinampot ng PNP-Crime Investigation and Detection Group (CIDG), Counter-Terrorism Division-Intelligence Group (PNP-CTD-IG), at ng Armed Forces of the Philippines’ Intelligence Services (ISAFP) sa kani-kanilang bahay sa Barangay Mamatid, Cabuyao City; at sa Bgy. Tagapo sa Santa Rosa, dakong 4:30 ng umaga.
Inaresto ang dalawa sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Executive Judge Agripino Morga, ng San Pablo City Regional Trial Court Branches 29 at 32, ng 4th Judicial Region, sa illegal possession of firearms.
Ang dalawa ay mga natitirang miyembro umano ng Suyuful Khilafa Fil Luzon, na sinasabing handang lumaban bilang reinforcement ng mga lokal at dayuhang grupo na nakipagbakbakan kasama ng Maute sa Marawi City noong 2017.
Ang nabanggit na grupo ay napaulat na isa lang sa 20 armadong grupo sa bansa na nagtatangkang bumuo ng puwersang “ISIS Philippines” kasunod ng pagkabigo nila sa Marawi.
Nabawi umano sa mga suspek ang dalawang bandila ng ISIS, dalawang granada, dalawang improvised explosive device (IED), tatlong .45 caliber pistol, isang .38 caliber revolver, iba’t ibang bala at isang laptop computer.