ANG San Jaunico Bridge ang pinakamahabang tulay sa bansa — 2.16 kilometro — na nagdurugtong sa Samar at Leyte na pinaghihiwalay ng kipot ng San Juanico. Itinayo ito sa halagang P140 milyon sa pagitan ng taong 1969 hanggang 1973 noong panahong administrasyong Marcos, sa pangunguna ng Philippine construction firm kasama ang inhinyerong mga hapon.
Hanggang ngayon, nananatiling matibay na nakatayo ang hugis-S na istruktura sa dagat na pumapagitan sa dalawang isla sa Visayas, na nagsisilbing mahalagang bahagi sa ekonomiya at turismo sa lugar. Wala nang naitayong katulad nito simula noon, ngunit ngayon nagdesisyon si Pangulong Duterte na magtayo ng hindi lang isa kundi walong malaking tulay upang mapagdugtong ang mga isla sa buong kapuluan.
Inanunsiyo ni Finance Secretary Carlos Dominguez III nitong nakaraang linggo na pauugnayin ng mga tulay na ito ang buong bansa mula hilaga hanggang timog na bahagi, kaya magiging posible na ang paglalakbay mula Luzon patungong Mindanao sa pamamagitan ng motorsiklo. Isang 18.2 km na tulay ang magdudugtong sa Luzon at Samar, na konektado na sa Leyte sa pamamagitan ng San Juanico. At 20-km tulay o underwater tunnel naman ang magdudugtong sa Leyte at hilagang-silangang Mindanao.
Mula Leyte sa Silangang Visayas, magkakaroon din ng mga tulay papuntang Kanlurang Visayas—18 km mula Leyte patungong isla ng Lapinig, isang kilometro mula Lapinig patungong Bohol, 24.5 km mula Bohol patungong Cebu, 5.5 km mula Cebu patungong Negros, 12.3 km mula Negros patungong Guimaras, at 5.7 km mula Guimaras patungong Panay.
Ito may kabuuang 105.2 km na dadaan sa mga dagat, hindi ilog, at nagkakahalaga ito ng P269.19 na bilyon. Magkakaroon ng mga bagong kalsada at tulay sa mga magiging tulay na ito. Aprubado na rin ng National Economic and Development Authority(NEDA) ang bagong Bohol Airport, Cebu International Container port, pagsasaayos ng Iloilo international Airport at ang Bacolod-Silay International Airport.
Sa buong Pilipinas, planado at naaprubahan na ang lahat ng proyektong pang-imprastruktura, kabilang ang mga pangunahing railroad system sa Mindanao. Ang walong inter-island na tulay na pinagplanuhan ng pamahalaan ay mahalaga hindi lamang para sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng mga magdurugtung-dugtong na mga probinsya kundi maging sa pag-uugnayan ng makakahiwalay na isla sa buong Pilipinas.
Sa mga nakalipas na siglo, ang pagkakahiwa-hiwalay ng ating mga isla ang nagdulot ng iba’t ibang kultura na naging sanhi ng mga digmaan, sa mga isla partikular sa katimugang bahagi ng bansa; na nagpakilala ng pulitikal na hidwaan, ang mga bintang at aktuwal na diskriminasyon- tulad ng patuloy na hinaing ng ilang pinuno sa Mindanao na napag-iwanan na sila ng “imperial” Manila.
Ang walong tulay ng administrasyong Duterte, idagdag pa ang isa mula sa pamamahala ni Marcos, ang magdurugtung-dugtong sa mga pangunahing isla na simula pa lamang ay pinaghihiwalay na ng mga dagat. Kung malayang makapaglilibot ang mga tao sa mga islang ito, mababawasan ang kamalayan ng mamamayan sa pagkakaiba-iba, mas hindi kailangan na paghiwa-hiwalayin ang bansa sa pamamahalang federal o rehiyonal, at mabubuo ang kaisipang pagkakaisa bilang isang bayan ng Pilipino.