Ni REGGEE BONOAN

NASA Amerika pa si Kris Aquino nang makatsikahan namin sa Cornerstone office ang kanyang bagong non-digital projects manager na si Erickson Raymundo at kinulit namin tungkol sa Star Cinema movie with Joshua Garcia at Julia Barretto.

Hindi pa buo ang istorya noon kaya wala pa siyang maikuwento sa amin, bagamat nag-post na ni Kris sa social media na confirmed na ang project at excited na siya sa pagbabalik-pelikula niya.

May direktiba kasi si Erickson sa pamamalakad sa artists niya na hangga’t hindi sigurado ang proyekto ay hindi puwedeng i-announce i-post.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Sa kaso ni Kris, naka-post na agad kahit under negotiations pa lang. Ano ang komento ng manager ni Erickson tungkol dito?

“Eh, ‘yun naman siya dati pa, that’s her make unique. At saka alam naman niya lahat ng ‘pino-post niya, lahat ng sinasabi niya, expected na ‘yun sa kanya, that’s make her own style. Genuine naman siya,” sagot ni Erickson.

Kaya kahit under Cornerstone management na si Kris, walang babaguhin si Erickson sa kanya o rule kung ano ang puwedeng i-post o hindi.

“May sarili naman siyang desisyon, kasi that’s her strength sa social media. Alam niya kung ano ang tama at hindi. Kami kasi more of business lang talaga,” pahayag ng CEO/President ng Cornerstone Entertainment.

May kinalaman ba si Erickson sa pag-delete ni Kris sa video clip tungkol sa Star Cinema project na ipinost nito habang nasa US pa ito?

“Eh, di siya, siya nag-post, siya rin nag pull-out, siguro kung may opinyon, mag-aabot kami sa ganu’n pero sa ngayon wala naman akong nakikita sa post niya. Kasi gusto ng tao sa kanya ano siya, authentic, ‘yun ang gusto sa kanya,” saad ni Erickson.

Pero may ibang tao na hindi gusto ang ganoon, kaya may bashers.

“Well, it’s either you hate her o you love her, pero ang dami (gusto si Kris) kapag binabasa mo ‘yung comments. Even before noong hindi pa naman siya sa amin, binabasa ko ‘yung mga post niya, wala naman akong nakitang masama, lahat solid ang supporters. Ako gusto ko siyang ganu’n,” kuwento sa amin.

“Wala namang dapat baguhin na kay Kris kasi marunong siyang bumalangkas, I like her kung sino siya ngayon.”

Hanggang saan ang pagiging manager ni Erickson kay Kris, hanggang business lang ba? Kasi sa pagkakaalam namin sa dalawang manager/consultant dati ni Kris na sina Deo Endrinal at Boy Abunda ay naging personal na kaibigan at kapamilya pa dahil kinuha silang ninong ni Bimby.

“Yes, business pa lang naman kami. Wala naman akong pakialam sa personal life niya, love life. Siyempre parang ‘pag constant communication about business siyempre sa personal na mapupunta at doon na magsisimula.

“A day after we agreed to have the partnership saka naman pumasok ang Star Cinema, so ‘yun kaagad ang first project na hawak ko for her.”

As of this writing ay pang-78 na si Kris sa artists na mina-manage ng Cornerstone at obviously ang Queen of Online World and Social Media ang pinakamalaking talent ngayon.

“Well, kahit naman saan siya mapunta, she is the Queen! Honor sa amin (Cornerstone family) and privilege and I’m pretty sure we’ll learned a lot of things from her, I hope na we can impart something new to her,” saad ng non-digital projects manager ni Kris.

Hindi na rin bago kay Kris ang ibang talents ng Cornerstone dahil halos lahat ay nakasama na niya sa KrisTV.

“Excited nga lahat sila. Well, ang dami niyang Cornerstone artists kasi halos lahat naman kasi nakatrabaho na niya, very supportive siya eversince sa Cornerstone ‘tapos wala naman kaming someone like her at alam naman niya na wala siyang kakumpetensiya.”

Pawang singers ang hawak ni Erickson at bilang lang ang artista, posible bang mag-record ulit si Kris ng album na nagawa na niya noon?

“Hindi naman siya kumanta, nag-CD siya noon at nagbibigay siya ng comments, puwede namang ituloy ‘yun dahil sa digital, maraming posible, malay mo! Ang hindi alam ng lahat, iilan lang nakakaalam, magaling siya sa music, very knowledgeable. I’m not saying hindi singer, ha? Lalo na nu’ng may Kris TV siya kaya gustung-gusto namin ‘yung show niya dati kasi hinihimay niya lyrics ng kanta, lagi siyang nagi-guest ng singers. Di ba may mga musical episodes siya kasi sobrang gusto niya, singers at lyrics. Sobrang dami niyang alam sa music,” kuwento ni Erickson.

Pagdating ni Kris galing Japan ay dumiretso na siya sa Star Cinema para sa contract signing ng I Love You, Hater project kasama si Erickson.

At sa first shooting day nito nitong Miyerkules ay nagpadala ng bulaklak si Erickson bilang pa-good luck sa bago niyang alaga.

Ipinost ito ni Kris at ang nakalagay na mensahe sa card na, “Every setback is a setup for a strong comeback! Happy first shooting day! Just happy thoughts today!”