Ni Ric Valmonte
IPINASARA ni Pangulong Duterte ang Boracay para, aniya, ay maayos ang isla. Sinalaula kasi ito ng mga taong pinagkakitaan ang lugar. Sinamantala ang pagiging dayuhin nito ng mga turista dahil sa likas nitong kagandahan. Kaya, nagsulputan dito ang iba’t ibang negosyo at naglalakihang istruktura na sumira ng kalikasan. Publikong inihayag ng Pangulo sa pagsasara niya sa isla na isasailalim nito ito sa land reform program. Hahati-hatiin niya ito para ibahagi sa mga magsasaka na nakatira dito.
Pero, bago pa niya iniutos na ipasara ang Boracay at ihayag ang kanyang layuning isailalim ito sa reporma sa lupa, may inisyu nang pansamantalang permiso ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa Galaxy para magpatayo ito ng casino. Naiulat na ang Galaxy ay dambuhalang korporasyon na sikat sa buong mundo sa negosyo ng resort at casino. Kinukumpleto na nito ang mga kinakailangan at kaukulang permiso sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at mga local government unit upang maging permanente na ang inisyung permiso ng PAGCOR at tuluyan nang makapagpatayo ng casino. Ang casinong itatayo nito ay bukas sa lahat, hindi tulad ng casino ng Resort World na nauna nang nakapagpatayo na limitado lamang sa mga dayuhan.
Nang mapabalita na iniatras na ng Galaxy ang kanyang kahilingan sa PAGCOR na mag-operate ng casino sa Boracay dahil nga sa publikong anunsiyo ng Pangulo, pinabulaanan ito ni PAGCOR Chairman Andrea Domingo. Bakit nga iaatras ng Galazy eh umaaasa pa si Domingo na babawiin ng Pangulo ang kanyang ipinahayag. Nang makapanayam si Domingo tungkol sa magiging epekto ng anunsiyo ng Pangulo sa pansamantalang permisong inisyu nito sa Galaxy, sinabi niya na matalino ang Pangulo at maiintindihan niya ang higit na makabubuti sa bansa.
Hindi pa man nasara ang Boracay, maliwanag na fake news na naman ang ipinahayag ng Pangulo. Kasi, ang inumpisahang gawin kaagad sa Boracay ay pagpapaluwag ng kalye. Kung ibibigay sa magsasaka ang lugar, ano ang kaugnayan nito? Bukod dito, ayon sa DENR, apat na ektarya lamang ang lawak ng lupang maaaring masaka. Ano ang kikitain ng bansa dito? Sabi nga ni National Economic and Development Authority Director General Ernesto M. Pernia: “Malulugi ng P1.95 bilyon ang ekonomiya sa pansamantalang pagsasara ng Boracay sa mga turista.” Pero aniya, may mga bahagi ng bansa, sa Luzon, Visayas at Mindanao na maaaring dayuhin ng mga turista. Maaaring sa mga ito ay mabawi ng bansa, kahit paano, ang nawala sa pagsara ng Boracay. Paniniwalaan mo pa ba ang sinabi ng Pangulo na ipaaayos niya ang Boracay para isailalim niya ito sa reporma sa lupa? Inihahanda na niya ang isla para pakinabangan ng dayuhan.