Ni ROBERT R. REQUINTINA
TULUNGAN ang pambato ng Pilipinas na si Renz Lansangan para makapasok sa semi-finals ng Mister International 2018 pageant sa pamamagitan ng online fan voting.
Upang makaboto, sundan lamang ang tatlong simple steps:
- I-like ang official Mister International Facebook Page.
- I-like ang photo ng inyong paboritong contestant.
- I-share ang photo ng inyong favorite contestant na may hashtag na #MisterInternational.
Ang contestant na makakakuha ng pinakamaraming boto, na nakasunod sa nabanggit na criteria, ay automatic na makakapasok sa semi-finals.
Matatapos ang voting period sa Abril 29, ganap na 11:59 ng gabi. Gaganapin ang grand finals sa National Theater of Yangoon sa Myanmar sa Abril 30.
Nagtapos si Renz Lansangan, 20, ng Bachelor of Science and Business Administration Major in Business Management sa Holy Angel University noong Oktubre.
Sa kabila ng kanyang abalang schedule bilang isa sa reigning winners ng Misters of Filipinas, nagawa pa rin ni Lansangan na tapusin ang kanyang pag-aaral. Aniya, tiniyak niya na hindi maaapektuhan ang kanyang pag-aaral kahit na kabilang siya sa Misters.
Sa send-off press conference na inorganisa ng Prime Event Productions Philippines, Inc. Foundation (PEPPs) sa Quezon City kamakailan, sinabi ni Lansangan na nakahanda na siya at sabik nang suungin ang isa sa pinakamalaking laban sa kanyang buhay.
“No pressure, just excitement. After the hard work and long wait, I’m ready for the greatest battle of my life,” aniya. “I will do my best to make you all proud.”
Magsusuot din si Lansangan ng Lakandula-inspired national costume sa male pageant. Ito ay hango mula sa kasuotan ng Datu ng Arayat, Pampanga, si Don Juan Macapagal, na apo ng Lakandula.
Umaasa naman sina Carlo Morris Galang, presidente ng PEPPs; at Atty. Richard Montoya, PEPPs director for legal, na makakamit ni Lansangan ang pangalawang Mister International crown para sa Pilipinas.
Ang policeman-turned-actor na si Neil Perez ang kauna-unahang Pinoy na nagwagi sa Mister International contest na ginanap sa South Korea noong 2014.