Ni Dave M. Veridiano, E.E.

TOTOONG nakaiiritang mabasa ang pang personal na mga problema sa buhay na naka-post sa mga social media, kaya hindi ako nagtataka sa pagpanting ng tenga ni Director General Oscar Albayalde, sa naglabasang komento sa Facebook na minamaliit ang kanyang liderato bilang bagong talagang pinuno ng Philippine National Police (PNP).

Unang naglabasan sa BuhayLespu account sa FB ang mga pagbatikos kay Albayalde, nang mag-ikot siya sa mga presinto sa gabi at kastiguhin ang mga pulis na natiyempuhan niyang natutulog sa oras ng trabaho, noong siya ang regional director ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Sinibak niya agad sa puwesto ang mga na kumander ng istasyong may natiyempuhan siyang mga di naka-uniporme at nag-iinuman pa sa loob mismo ng presinto. Bukod pa rito ‘yong sermon dahil sa sobrang dumi sa loob at paligid ng presinto. Lumala lalo ang pagbatikos nang pumutok ang balitang siya ang susunod na magiging Chief PNP hanggang sa pag-upo niya na sa puwesto.

Agad na pinaimbestigahan ni Albayalde ang pagbatikos sa kaniya sa PNP-Directorate for Information and Communications Technology Management (DICTM) upang matukoy kung sinu-sino ang mga “basher” niyang pulis sa social media. Banta pa ng bagong CPNP ay mahaharap sa kasong “insubordination” at agad ding sususpendihin ang mga pulis na makukumpirmang namba-bash sa kanya sa FB.

“If you have something to say to me, we have proper channel for it. We have our grievance committee. Remember, we are in a uniformed service and we have rules and regulations here. We’re not just like anybody else who can do anything that you want,” ang galit na pahayag ni Albayalde.

Hindi naman ako nagtataka sa biglang pagdaming ito ng “basher” ni Albayalde. Sa buong panahon niya kasi bilang NCRPO director, umabot sa 297 pulis ang sinibak niya, 825 ang sinuspinde, at daan-daan ang inilipat ng destino, kabilang ang 365 na “ipinatapon” mula sa Metro Manila papunta sa Mindanao.

Talagang mababahala si Albayalde sa nangyayaring ito. Ang account na BuhayLespu sa FB ay may kabuuang 478,000 followers, na patuloy pang nadaragdagan araw-araw. Kung ang puwersa ng ating PNP ay abot lang sa 180,000 ang mahigit sa 300,000 followers nito ay mga sibilyan. Kaya dapat lang na ang lumabas sa account na ito ay yung mga mabubuting bagay na bubuhay sa ugnayan ng PNP at mga pangkaraniwang mamamayan, na siya namang nangyayari bago pa naglabasan ang mga negatibong komento laban kay Albayalde.

Binisita ko ang BuhayLespu account, ang (https://www.facebook.com/pg/urserbis/about/?ref=page_internal) at napag-alaman ko agad na ito’y gawa ng FB holder na walang kaugnayan sa PNP): “Ang page na ito ay hindi konektado sa pamunuan ng PNP o kahit saan organisasyon. Pinapakita lamang po nito kung ano ang totoong buhay ng isang Pulis.”

Ngunit kapansin-pansin pa rin ang pangingibabaw ng pagiging MAKA-PULIS ng mga followers nito, na karamihan sa mga ipino-post dito ay hinggil sa magaganda at kapuri-puring mga nagawa ng mga pulis sa kani-kanilang lugar sa buong bansa! Sabi pa nga sa LOGO nito: “If you hate POLICE, the next time you need help call a CRIMINAL!”

Ito ang problema ng PNP – ang pag-uugali o asal ng mga bagong henerasyon ng mga pulis na kabilang sa MILLENNIAL. Henerasyon na ang pinagbubuhusan ng mga sama ng loob ay ang mga personal nilang account sa social media, lalo na sa Facebook – “shoutout sa timeline” baga, kung tawagin nila!

Hindi kailangan ng mga ito ang kamay na bakal – sila kasi ang henerasyong nakakapit sa pag-inog ng mundong pinabibilis ng makabagong teknolohiya. Intindihin muna at pag-aralan pa ang pag-uugali nila!

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]