LOS ANGELES (Reuters) – Inihayag ni Kanye West nitong Miyerkules na sinibak niya ang kanyang manager at pinag-iisipan niyang tumakbo para presidente ng Amerika, sa sunud-sunod na tweet, kasabay ng kanyang pangakong maglalabas siya ng apat na bagong album, at ikinumpara ang kanyang sarili kina Henry Ford at Walt Disney.
Pinuri rin ng rapper at fashion designer, 40, na balik-Twitter ulit, pagkaraan ng isang taong pananahimik, si U.S. President Donald Trump, at sinabi na bagamat hindi siya sang-ayon sa lahat ng ipinatupad at ginagawa ni Trump, “the mob can’t make me not love him. We are both dragon energy. He is my brother.”
Kalaunan ay nag-tweet si Trump ng, “Thank you Kanye, very cool!”
Nitong nakalipas na sampung araw ay sunud-sunod ang posts ni West sa Twitter, at minsan ay umabot pa ng 20 beses sa loob ng isang oras, na iba-iba ang tema.
Ipinasok na si West, na nanalo ng 21 Grammy Awards sa kabuuan ng kanyang karera para sa kanyang mga awitin, kabilang ang Jesus Walks at No Church in the Wild, sa isang psychiatric facility sa Los Angeles noong Nobyembre 2016 at kaagad na nagkansela ng kanyang world tour, isang linggo makaraang manahimik sa pagtatanghal, at dito na nag-umpisa ang pinaigsing concerts at political rants.
Mula noon ay nanatili siyang low public profile.
Muli namang binanggit ni West, na nagsabi noong 2015 na pinag-iisipan niyang tumakbo sa pagkapresidente, ngunit sa pagkakataong ito ay nag-tweet lamang siya ng “2024”.
“When we become president we have to change the name of the plane from Air Force one to Yeezy force one,” dagdag pa niya, ang tinutukoy ay ang kanyang Yeezy fashion line.
“I am this generations Ford Hughes Jobs Disney,” tweet ni West nitong Miyerkules, na ang tinutukoy ay sina Henry Ford, Howard Hughes, Steve Jobs at Walt Disney.
“I no longer have a manager. I can’t be managed,” sabi niya sa isa pang Tweet. Hindi naman nag-reply ang manager ni West na si Scooter Braun nang hingian ng komento.
Sa ilang araw na nakalipas, ipinahayag ni West na maglalabas siya ng apat na bagong album sa Hunyo.
Hindi nagpaunlak ng komento ang mga kinatawan ni West, ngunit kinausap siya ng kanyang asawang si Kim Kardashian ng direkta sa naturang social media platform, makaraan itong mag-tweet habang tila nasa loob ng bahay ng mag-asawa sa Southern California.
“Ummm babe.. We had a rule to not show our home on social media! Soooo can we now allow KUWTK filming in the home?,” sabi ni Kardashian nitong Miyerkules, na ang tinutukoy ay ang TV show na Keeping Up With the Kardashians