Ni Leslie Ann G. Aquino

Ikinokonsidera ng madreng Australian na si Patricia Fox ang nangyayari sa kanya na pag-atake sa simbahan.

“Para sa akin hindi lang laban ko ito kasi parang ang atake dito ay ang buong simbahan, ang papel ng buong simbahan, ang papel ng foreign missionaries, papel human rights workers,” sabi ni Fox sa isang press briefing sa Quezon City kahapon.

Hinarap ng 71-anyos na madre ang media isang araw matapos ipawalang bisa ng Bureau of Immigrat ion ang kanyang missionary visa at ipag-utos na lisanin ang bansa bilang aksiyon sa pagiging “undesirable alien” na nakiisa sa political activities.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Sinabi ng BI na maaari pa ring pumasok at lumabas ng bansa si Fox bilang turista.

Sinabi ni Fox na hindi na niya ikinagulat ang utos ng BI.

“I hope there is a due process so I can explain what is missionary work,” aniya.

Sa isang pahayag, sinabi ng madre na bilang Kristiyano, ang kanyang misyon ay dalhin ang Kaharian ng Diyos, kaya siya nakiisa sa mga proyekto, gaya ng pagsasanay sa organic farming, upang maiangat ang kabuhayan ng mga magsasaka, at ipaalam din sa kanila ang karapatan sa lupa, kabuhayan, kapayapaan, hustisya at seguridad at lahat ng karapatan ng tao sa mundo na nakikita ng simbahan na “integral” sa kanyang misyon.

Naniniwala rin si Fox na mahihirapan siyang ipagpatuloy ang kanyang missionary work bilang “tourist.”

“Its difficult to continue the missionary work if you are a tourist. First, we are nuns and we are assigned here not as a tourist,” aniya.