Ni Johnny Dayang

KAHAPON, pumanglaw ang mga ilaw sa paraisong pang-turismong isla ng Boracay. Ayon sa pamahalaan, hanggang anim na buwan lamang itong isasara ngunit ang pang-matagalang epektong panlipunan at pang-ekonomiya nito ay malalim at masalimuot.

Walang dudang marami sa pamahalaan ang may kahanga-hangang talino at ideyang mabilis nilang nailalatag, ngunit tiyak ding maraming kapalpakan ang nalilikha kapag madalian ang pagde-desisyon gaya ng pagsasara sa Boracay. Higit pa kaysa ‘imburnal’ na paglarawan ni Pangulong Duterte, ang Boracay ay tungkol sa isang pamayanang puwersahang isinara dahil sa mga kapalpakan ng mga pambansa at lokal na opisyal ng pamahalaan.

Ipinatutupad ngayon ang mga hakbang para tugunan ang masamang epekto ng pagsasara, ngunit maraming katanungan ang lumilitaw bunga ng dagliang desisyong ito. Kahit nga ang ipinagmamalaking ‘ID system’ para sa mga residente ay nakapapansin na ng katiwalian.

Kailangang ilahad ng gobyerno ang malinaw at tiyak na gagampanang papel ng Departments of Trade and Industry (DTI), Labor and Employment (DOLE) at Tourism (DOT) sa planadong pagsasara ng isla. Tila ang Departments of Interior and Local Government (DILG) at Environment and Natural Resources (DENR) lamang ang may malinaw na tungkulin sa restorasyon ng Boracay.

Lalong kalituhan ang dulot ng pahayag na ila-land reform ang Boracay. Kaakit-akit itong pampulitikang gimik, ngunit paano ito hahakot ng buwis para pondohan ang rehabilitasyon at pangangalaga sa isla?

Samantala, apat na milyunaryong negosyanteng Pinoy at isang Macau casino group ang nagpahayag ng interes sa Borcay. May water facility na doon ang Ayala group. Naghihintay naman ng go-signal sina Lucio Tan, Ramon Ang at Andrew Tan. Ang pinagsama nilang pananalapi ay tiyak na magagawang pandaigdigan ang pang-turismong alindog ng Boracay.

Kailangang matalino ang pagtugon ng gobyerno sa mga suliranin ng Boracay. Kailangang balanse ang balangkas sa paglikha ng buwis at kapakanan ng isla. Waring kailangan talaga ang panukalang Boracay Development Authority para mahusay na mapangasiwaan ang Boracay. Ihiwalay ito sa pulitika at dapat kasama dito ang mga responsibleng lider ng Malay, Aklan.

Sa kabila ng pangamba, tiniyak ng mga taga-Boracay na suportado nila ang pamahalaan. Umaasa silang hindi bibiguin ng gobyerno na gawing kaaya-ayang pamuhayan ang Boracay.

Mahalagang papanagutin sa batas ang mga nagsamantala sa Boracay. Mahabang panahong isinigaw ng media na tigilan na ang pang-aabuso sa isla, ngunit sa isang mabagsik na salita lamang ng Pangulo ay biglang nagising ang mga pang-pamahalaang ahensiya.

Dahil sa Boracay, itinutuwid na ngayon ang pang-aabuso sa ibang tourist destinations sa bansa. Inspirasyon din ang pagsasara at rehabilitasyong ng Phuket sa Thailand.