Nina Genalyn Kabiling, Rey Panaligan, Tara Yap, at Chito Chavez
Isinailalim na sa state of calamity ang Boracay Island, sa bisa ng proklamasyong inilabas ni Pangulong Duterte kahapon, ang simula ng anim na buwang pagpapasara sa isla para isailalim sa rehabilitasyon.
Kinumpirma ni Special Assistant to the President Christopher Go na saklaw ng nasabing deklarasyon ng Presidente ang mga barangay ng Manoc-Manoc, Balabag at Yapak sa Malay, Aklan.
Hanggang kahapon ay hindi pa nagpapalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema laban sa pagpapasara sa isla, at sa halip ay pinagsusumite ng komento ang Executive Department sa loob ng 10 araw simula nang ipetisyon ng grupo ng mga manggagawa sa isla ang pagpapahinto sa closure.
Hindi pa rin matiyak kung ibabasura ng korte ang petisyon o tatalakayin pa kapag naisumite na ng gobyerno ang komento nito.
Sa pamamagitan ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL)-Panay, iginiit ng mga manggagawa sa isla na labag sa karapatan nila ang pagpapasara sa isla.
Kasabay nito, pinangalanan na kahapon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pangalan ng mga establisimyentong nagtatapon umano ng wastewater sa drainage system na dumidiretso sa karagatan ng isla.
Sinabi ni DENR Secretary Roy Cimatu na ang listahan ng mahigit 20 pasaway na hotel, resort, souvenir shop, at restaurant ay isusumite sa Pollution Adjudication Board ng kagawaran para sa kaukulang aksiyon.
“They may have to pay a fine of anywhere from P10,000 to P200,000 per day,” banta ni Cimatu.
Posible namang pagsapit ng Hulyo ay buksan na muli sa publiko ang Boracay kapag natapos nang maaga ang rehabilitasyon nito, ayon kay Interior and Local Government Assistant Secretary Epimaco Densing III.
Puntriyang maisaayos kaagad ang kalidad ng tubig, at matanggal ang lahat ng ilegal na istruktura sa isla.