Ni EDWIN ROLLON
KOMBINSIDO si Batangas City-Tanduay Athletics team owner Lucio ‘Bong’ Tan, Jr. na magiging isang institusyon ang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).
Ayon kay Tan, ang format na ‘home-and-away’ ng MBPL ay nakapagbibigay ng ‘pride and dignity’ sa home-crowd at tunay na susubaybayan ang bawat laro dahil ang nakataya ay hindi lamang ang team bagkus ang dangal ng lalawigan at lungsod na kinakatawan ng bawat koponan.
“Maliban sa ilang issue sa security, at yung ibang venue ay hindi pa talaga ganoon kaayos. Meron nga, pati locker ng player wala, pero as the whole maganda ang itinakbo ng liga. Kasama kasi yung pride ng home crowd,” pahayag ni Tan.
“Nang ipakita sa akin ni Senator Manny (Pacquiao) ‘yung concept ng liga, approved agad ako. Ang habilin ko lang huwag naming payagan ang team owner na magkaroon ng dalawa or more team,”
“Saka huwag haluaan ng pulitika. Parang larong magkakapatid lang, walang problema pag maayos ang itatakbo at magkakaisa ang lahat ng team owners. Give us two or three seasons, makakasabay na ng todo ang MPBL sa PBA,” pahayag ni Tan, dating miyembro ng PBA Board, ngunit nagdesisyon na ibenta ang prangkisa.
Tunay na hindi pipitsugin ang liga na pinangangasiwaan ni Pacquaio.
Sa darating na season sa Hunyo, apat ang bagong koponan na lalaro, kabilang ang San Juan, na binubuo umano nang mga dating PBA players.
‘From P600,000 franchise fee sa inaugural season, naging P10 milyon na ang franchise fee, but still four new teams have already applying as new member,” pahayag ni Tan.
Iginiit ni Tan na darating ang panahon na magkakaroon ng sulutan sa mga players, ngunit nanindigan si Tan na hindi siya bibigay sa isyu ng counter-offer.
“Dito sa team, walang problema kung gusto mong maglaro sa ibang team dahil may mas malaking suweldong offer. Hindi ko ugaling mag-counter offer, pero ready kami sa mga players naming na bigyan ng education grant kung gusto pa nilang mag-aral sa UE, then puwede ko silang bigyan ng trabaho after graduation nila,’ sambit ni Tan.
Iginiit naman ni Tanduay basketball operations head Lawrence Chongson na pananatilihin nila ang ‘core’ ng team, sa kabila ng direct hire na gagawin para sa expansions team.
“The main priority is to strengthen the team,” pahayag ni Chongson.
“Hopefully, we could keep the team intact as much as possible para nandun ‘yung chemistry at ma-sustain namin. May ‘protect 9’ so hopefully, we would be able to keep our core,” aniya.
Ginapi ng Batangas City-Tanduay Athletics ang Muntinlupa para makopo ang unang MPBL title.