Ni Aris Ilagan
MATIYAGANG naghintay ang mga rider kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang pagdalo sa 24th National Federation of Motorcycle of the Philippines (NFMCP) National Convention na ginanap sa Legazpi City, Albay nitong Sabado.
Iba’t ibang motorcycle club ang sumipot sa pinakamalaking eyeball ng mga rider sa bansa. Bukod sa magagarang big bike, nagpatalbugan din sa club uniform ang mga motorcycle group na nanggaling pa sa ibat’ibang sulok ng bansa.
Simula pa lang ng Miyerkules ay nagsimula nang tumulak ang mga rider patungong Bicolandia para sa convention na pinangunahan ni Albay Gov. Francis Bichara, isang motorcycle enthusiast.
Batid ng lahat na mahilig din sa motorsiklo ang Punong Ehekutibo. Dati-rati’y madalas itong mamataan sa Davao City na nag-iikot sakay ng kanyang Harley-Davidson noong siya ay alkalde pa ng siyudad.
Nagsimulang dumating ang mga rider sa Penaranda Park dakong 4:00 ng hapon.
Subalit pasado 8:00 na ng gabi nang dumating si Digong.
Sa kabila nito, halos walang rider ang kumalas sa pagtitipon dahil batid nilang mahal ng Pangulo ang mga rider.
Ito na ang pangalawang pagkakataon na tumayong guest of honor si Pangulong Duterte sa NFMCP National Convention.
Noong una ay nang isang kandidato pa lamang sa pagkapangulo at ang pagtitipon ay ginawa sa Cebu City.
Halatang ‘at home’ si Pangulong Digong sa tabi ng mga rider.
Kapag motorsiklo ang pinag-usapan, tila walang katapusan ang kanyang kuwento.
Si Digong ay kabilang sa mga nagtatag ng On Any Sunday motorcycle club na nakabase sa Davao City.
Ngayon, si Davao City Inday Sara Duterte naman ang nahihiligan ang pagmomotorskilo.
Hindi pinalagpas ni Digong ang pagkakataon upang sermunan ang mga rider sa isyu ng road safety.
Aniya, halos tatlo-beinte singko ngayon ang motor kaya’t patuloy ang pagdami nito sa bilang.
Ang resulta: Kaliwa’t kanang aksidente.
Maging si Digong ay naaalarma na sa dami ng mga namamatay at nasusugatan sa mga aksidente, na ang kinasasangkutan ay motorsiklo.
Dahil dito, mahigpit ang naging tagubilin ni PDU30. “Huwag na huwag kanyong magmotor kapag nakainom at lalo na…kapag nasa impluwensiya ng droga,” ayon kay Duterte.
Alam na natin na Number One Enemy ni Pangulong Digong ang illegal drugs.
Kaya’t mas mainam na pag-usapan natin ay ang drunk riding.
Pinayuhan ni Digong ang mga rider na kung hindi talaga maiwasan ang pag-inom ng alak ay ihabilin na lang ang kanilang motorsiklo sa building authorities imbes na sakyan ito at maharap pa sa peligro.
Dapat tayong makinig upang hindi tayo masama sa body count.