Nina Jun Ramirez at Mina Navarro
Pinawalang bisa ng Bureau of Immigration (BI) ang missionary visa ng Australian missionary na si Patricia Fox at inatasang lisanin ang bansa sa loob ng 30 araw.
Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente na binawi ng board of commissioners (BOC) ng BI ang pribilehiyo ni Fox na magkaroon ng missionary visa sa ilalim ng Sec. 9 (g) ng Philippine Immigration Act of 1940 at inatasang umalis sa Pilipinas dahil sa pagkakasangkot sa partisan political activities.
“She (Fox) was found to have engaged in activities that are not allowed under the terms and conditions of her visa,” sabi ni Morente.
Ipinagdiinan ng BI chief na ang visa ni Fox ay nagkakaloob sa kanya ng pribilehiyo na makiisa sa missionary work at hindi sa political activities.
Sa isang pahinang kautusan na inisyu nitong Lunes, ipinag-utos ng BI na ipawalang bisa ang missionary visa ni Fox, na mapapaso sa Setyembre 5 ng kasalukuyang taon.
“We direct Fox to leave the Philippines within 30 days from receipt of this order,” ayon sa board.
Sa kabila nito, ipinaliwanag ng abogadong si Antonette Bucasas- Mangrobang, tagapagsalita ng BI, na maaari pa ring pumasok at lumabas ng bansa si Fox bilang turista.
Ayon pa kay Mangrobang, ang deportation case ni Fox ay nananatiling nakabimbin sa BI Special Prosecutor, habang nakatakda pa itong maghain ng kanyang counter-affidavit.