Ni Erik Espina
SA aking programang Republika (Martes, 8:00NG, Destiny Cable Channel 8, Sky Channel 213, Gsat Channel 1 atbp.) kinalampag ni DILG Barangay Affairs Undersecretary Martin Dino ang 41,948 barangay sa buong bansa hinggil sa mga programang ipinatutupad ng naturang kagawaran.
Ayon kay Dino, hahabulin nila ang mga opisyal na hindi sumunod sa mga direktibang inilabas ni DILG OIC Secretary Eduardo Año. Nandiyan ang gampaning ma-inventory lahat ng kagamitan gaya ng bentilador, silya, at motorsiklo, upang matukoy kung kulang, nawawala, ninakaw, o iniuwi ang kasangkapan. Nasaan ang mga ito? At sino ang mananagot?
Sinita din ang mga barangay na pabaya sa pagkolekta ng basura, pati bangketa na ginawang palengke. Gayundin ang mga hindi tumalima sa BADAC (Bgy Anti-Drug Abuse Council), lupon at kampanya kontra-droga sa barangay.
Kailangang magsumite ng “drug watch-list” ang barangay sa DILG, at tulungan ang PNP sa law-enforcement. Sa kasalukuyan, 9,000 barangay lang ang nakasunod sa utos. Ang matitigas ang ulo ay sasampahan ng kaso. Magkakaroon pa ng pagsasanay sa journalism upang magkaroon ng Public Information Officer o Spokesman sa barangay. Kalakip nito ang pagtatayo ng intelligence network para matukoy ang mga shabu laboratory, kilabot na tulak, at upang masugpo ang krimen, lalo na ang terorismo at ISIS.
Napapanahon lahat ng nabanggit dahil swak sa nalalapit sa halalang Mayo 14. Bakit nga naman iboboto ang isang kandidatong sangkot sa ilegal na gawain? Tiwali o kawatan sa tungkulin? Kapos sa pagpapatakbo ng barangay? Kapatas ng komunistang terorista o Isis? Sayang at bago pa na-ituro si Dino sa kanyang tanggapan. Kung napaaga lang sana, siguradong maraming masususpindeng opisyal at masasampahan ng kasong administratibo at kurapsiyon sa Ombudsman!
Kung maaari, sang-ayon ako na ibulgar ang listahan ng mga barangay o sitio, kahit hindi ang pangalanan ng opisyal, na kasalukuyang pugad at lungga ng droga upang mapanagot ng bayan ngayong Mayo 14.