Ni BELLA GAMOTEA
Binalaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista at commuters sa inaasahang mas matinding trapiko sa Quezon City, dahil sa pagsasara ng ilang kalsada bunsod ng konstruksiyon ng Metro Rail Transit (MRT)-7.
Sinabi ni Frisco San Juan Jr., MMDA deputy chairman, na sisimulan ng mga private contractor ng MRT-7 ang trabaho sa back-to-back infrastructure projects sa iba’t ibat lugar sa susunod na linggo.
Sa Abril 30 itatayo ang coping beam sa Regalado Highway kaya isasara ang westbound lane, bagamat bukas pa rin ang eastbound lane.
Ipatutupad naman ang one-way traffic sa Regalado Highway, mula sa Mindanao Avenue hanggang sa Commonwealth Avenue.
Sa koordinasyon ng MRT-7 Traffic Management Task Force, inihayag ni San Juan na ang mga pribadong kontratista ay mag-uumpisang magtrabaho sa MRT Tandang Sora station, sa Tandang Sora intersection-Commonwealth Avenue sa Mayo 1, Martes.
Kabilang ang proyekto sa konstruksiyon ng elevated guide way, demolisyon ng kasalukuyang flyover, at probisyon para sa hinaharap na north at southbound flyover, na magtatapos sa susunod na taon.
Sa Mayo 1 din sisimulan ang paghuhukay para sa isang tunnel sa North Avenue hanggang Commonwealth Avenue, kaya isasara ang dalawang lane sa North Avenue, ayon kay San Juan.
Sinabi rin niyang tatagal nang walong buwan ang konstruksiyon ng underground guide way.
Sa Mayo 6 naman magkakabit ng box girders para sa riles ng MRT sa Regalado Highway, kaya isasara sa mga motorista ang Regalado Highway mula sa Mindanao hanggang Commonwealth Avenue, sa ganap na 10:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga.