Ni ADOR V. SALUTA
NAGBABALIK sa telebisyon ang magaling na aktor na si JM de Guzman sa panghapong drama ng Kapamilya, ang Precious Heart Romance Presents: Araw Gabi, mula sa RSB Unit ni Direk Ruel S. Bayani.
Sa presscon for the drama-hapon serye, naitanong kay Direk Ruel kung bakit sinugalan niya ang bagong tambalang JM at baguhang star na si Barbie Imperial para sa klasikong novel series na mapapanood na sa ABS-CBN sa Lunes, Abril 30.
“Nagkaroon po kami ng napakahabang auditions, umabot yata kami sa walo (auditions) yata, kasama na ang mga VTR’s. Ako kasi, hindi ako tumitingin kung sikat ba o hindi? Ang hinahanap ko ‘yung kamukha ng karakter sa book at sa babae nga, siya si Barbie. Dapat naman na kung sino ‘yung sa book, dapat ‘yun ang hahanapin,“ lahad ni Direk Ruel.
“No’ng makita ko si Barbie, sabi ko, ‘Siya’,” kuwento ng direktor.
Barbie will portray Michelle Verano, account manager sa isang advertising agency. Sa kabila ng kanyang masayahing aura lagi siyang nanaginip tungkol sa isang parola at mas mapapadalas pa ito mula nang pumunta siya sa isla ng El Paraiso.
Para kay Direk Ruel, perfect choice si Barbie. At matapos nga niyang piliin si Barbie from among hundreds na nag-audition,” Sabi nila sa akin, kaya ba niya? Sabi ko, hindi ko alam? Ready na ba siya (to portray sexy scenes? Sabi ko, mas lalong hindi ko alam?” aniya.
“Alam n’yo naman ako matapang akong tao at handang sumugal sa lahat ng bagay. Handa akong sumugal sa pagbabalik ni JM, handa akong sumugal sa paglo-launch kay Barbie at naniniwala ako sa proyektong ito na maganda ang kalalabasan,” depensa ni Direk Ruel.
“Kung maghihintay pa ako ng ibang young star, that I don’t know. Para sa akin Barbie would be Michelle at napatunayan ko kong tama ang desisyon namin na piliin siya. So, I’m confident we made the right choice and every single member of the cast na tama ang pagkabuo nito para maibigay sa inyong lahat ang nararapat na mapanood,” pangako ni direk.
Nangako naman si JM na wala nang “dilim” na babalikan sa pagpapatuloy ng kanyang journey bilang aktor at sa personal niyang buhay.
Sey ni JM, nasa tao na raw kung babalikan pa niya ang ‘dilim ‘ na pinagdaraanan sa buhay.
“’Yong gabi na darating sa buhay mo, parang hindi po yata mapipigilan ‘yun, nasa tao na yun di ba? Pero sa pinagdaanan ko, (drugs), para ma-manage ko yung sarili ko sa oras ng dilim, may support group din naman ako na ‘di ako binibitawan. ‘Yung (support group) meron po kaming monthly requirement na ina-attendan, na parang therapy, mga peers ko sa loob, with the support ng family namin. Tuloy tuloy po yung support, para tuloy-tuloy ang pagbabago,” ani JM.