Ni MARTIN A. SADONGDONG

Tatlong katao ang nasawi at 23 iba pa ang nasugatan makaraang bumangga ang pampasaherong bus sa sinusundan nitong truck sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx) sa Concepcion, Tarlac, nitong Martes ng gabi.

TALSIK! Nahulog sa creek bago nagliyab at naabo ang isang Five Star bus makaraang bumangga sa sinusundang six-wheeler Fuzo forward truck, malapit sa Concepcion Exit of the Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), Martes ng gabi. Tatlong katao ang patay habang 23 iba pa ang sugatan. (JONAS REYES)

TALSIK! Nahulog sa creek bago nagliyab at naabo ang isang Five Star bus makaraang bumangga sa sinusundang six-wheeler Fuzo forward truck, malapit sa Concepcion Exit of the Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), Martes ng gabi. Tatlong katao ang patay habang 23 iba pa ang sugatan. (JONAS REYES)

Ayon sa report mula sa Police Regional Office (PRO)-3, bumangga ang Fuso truck (RHD-831) na minamaneho ni Emmanuel Retardo, 46, kasama ang pahinanteng si Victor Ayen, 40, kapwa taga-Plaridel, Bulacan, sa Five Star bus (UYD-493) na minamaniobra ni Rolando Untalan, 50, ng Calasiao, Pangasinan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Batay sa paunang imbestigasyon na isinumite kay Supt. Augusto Pasamonte, hepe ng Concepcion Police, nakasunod ang bus sa truck habang binabagtas ang northbound lane ng SCTEx nang salpukin ng bus ang likurang bahagi ng truck.

Ayon sa police report, nangyari ang aksidente bandang 11:50 ng gabi at naiulat sa mga awtoridad bandang 12:20 ng hatinggabi ng Miyerkules.

Dahil sa tindi ng banggaan, nahulog sa creek ang dalawang sasakyan, nagliyab ang bus at nasunog nang buhay ang tatlong pasahero nito, na hindi pa nakikilala ng pulisya habang sinusulat ang balitang ito dahil “totally burned” sila, ayon sa pulisya.

Dinala sa Dr. Eutiquio Atanacio Memorial Hospital Inc. sa Concepcion sina Retardo at Ayen, kasama ang mga pasahero ng bus na sina Tammy Tagana, 24; Arnolfo Quinto, 59; Alfie Fernandez, 29; Carolyn Fernandez, 24; Rose Ann Agbanlog, 26; Criselda Joy Pascua, 25; Richard Sabiron, 29; Beth Carbonel, 25; at Felisa Bagon, 24 anyos.

Samantala, isinugod si Untalan sa Concepcion District Hospital kasama ang mga pasaherong sina Veronico Policarpio, 48; Dionisio Tibonsay, 33, at ang 12-anyos nitong kasama; sina Shaian Amor Sotto, 34; Sharah Jane Esteban, 41; Mylene Martinez, 41; Jerome Ian Lee Balagtas, 19; Meriam Reyes, 25; at isang 17-anyos na limang buwang buntis.

Dinala naman sa Tarlac Provincial Hospital ang dalawa pang pasahero ng bus na sina Manny Agravante, 36; at Jhomar Samson, 24 anyos, ayon sa report.

Iniimbestigahan na ang sanhi ng aksidente at inaalam ang pagkakakilanlan ng mga nasawi.

Kakasuhan ng reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries at damage to property ang driver na responsable sa krimen.