Ni BETH CAMIA, ulat ni Tara Yap
Ilang oras bago simulang isara sa mga turista ang Boracay Island sa Aklan, dumulog sa Supreme Court (SC) ang National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL)-Panay upang pigilan ang closure ng isla.
Tinukoy ni Atty. Angelo Karlo Guillen, abogado ng NUPL-Panay, na nagpatulong sa kanila ang isang driver at isang sand castle-maker sa isla na kabilang sa mawawalan ng trabaho sa pagsasara ng isla ngayong Huwebes, sa ganap na 2:01 ng umaga.
Humihiling ng temporary restraining order (TRO) sa kataas-taasang hukuman, iginiit ng NUPL na hindi na kailangang isara ang Boracay habang isinasagawa ang rehabilitasyon para hindi na rin maapektuhan ang kabuhayan ng mga manggagawa.
Dahilan ng grupo, wala umanong ipinangakong tulong ang lokal na pamahalaan ng Malay at Aklan kaya siguradong gutom ang aabutin ng mahigit 36,000 manggagawa.
Iginiit din nila na dapat na patas sa lahat ang isasagawang closure sa isla.
Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang linaw kung kailan tatalakayin ng SC ang nasabing petisyon dahil ang full court session nito kahapon ay nakatakda na para sa paglalabas ng resulta ng 2017 bar examinations.
Kasabay nito, nagpahayag kahapon ng takot ang mga turista sa isla dahil sa nakikita nilang mga anti-riot police at mga helicopter sa lugar.
“It was a little disturbing,” sabi ni Sebastian Lopes, isang 14-anyos na British-Indian na nagbabakasyon sa lugar kasama ang pamilya nito.
“I’m not a bit scared at all. If anything, I feel safer,” pahayag naman ni Kim Paulding, Australian.
Ang mga nasabing eksena ay bahagi ng final simulation exercises ng mga awtoridad kahapon.
Kabilang sa nakibahagi sa simulation ang Philippine National Police (PNP), Philippine Army (PA), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Navy (PN), Bureau of Fire Protection (BFP), at ang disaster management team ng Malay, Aklan.