Ni Chito A. Chavez
Habang umiigting ang mga panawagan, nagpahayag ng posibilidad ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ibubulgar na nito ngayong linggo ang mga opisyal ng barangay na kabilang sa “narco list” ni Pangulong Duterte.
Sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na binigyan siya ng “go signal” upang isapubliko ang validated na listahan ng mga opisyal ng barangay na may kaugnayan sa ilegal na droga.
Aniya, ang kabuuan ng bilang ng mga opisyal ng barangay na sangkot sa droga ay nasa 297, subalit dahil sa mga pagkamatay at pag-aresto ay nasa 216 na lang ang bilang ng mga ito sa ngayon.
Nilinaw ni Aquino na nagmula ang listaha kay Pangulong Duterte, at na-validate na at suportado na rin ng mga ebidensiya.
Ito ang naging pagbubunyag ng PDEA kahapon habang naghahanda ang mga kandidato sa pangangampanya para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa susunod na buwan.
Gayunman, nilinaw ni Aquino na hindi lahat ng nasa narco list ay kakandidato sa susunod na halalan.
Nangako naman ang Department of Interior and Local Government (DILG) na magsasampa ng kaso sa mga nasabing opisyal na sangkot sa droga.