Ni Mary Ann Santiago
Pansamantalang naantala ang beripikasyon ng mga lagda ng mga residente na humihiling na magkaroon ng recall election sa San Juan City.
Ayon kay Atty. Gregorio Bonifacio, election officer IV ng San Juan, wala pa silang natatanggap na pondo mula sa Commission on Elections (Comelec) para sa naturang aktibidad, kaya hindi hindi natuloy ang beripikasyon na itinakdang simulan ng 8:00 ng umaga kahapon, Abril 25, hanggang 5:00 ng hapon sa Martes, Mayo 1.
Tiniyak naman ni Bonifacio na kapag natanggap na nila ang pondo ay kaagad nilang itutuloy ang beripikasyon ng mga lagda.
Dismayado naman dito si dating Vice Mayor Francis Zamora, sinabing nitong Martes ay nakatanggap pa sila ng bagong notice tungkol sa pagpapalit ng venue para sa aktibidad, na mula sa San Juan gym ay inilipat sa Pinaglabanan Elementary School.
“This is very questionable and unfair especially because it was the Comelec itself that denied the MR and set the dates of verification. Why will they say now that there is no budget when in fact they themselves approved of the verification?” ani Zamora. “Also, upon checking, there is P98 million in the 2018 General Appropriations Act for the Comelec intended for recall and referenda for the National Capital Region.”Samantala, iginiit naman ng kampo ni Mayor Guia Gomez na peke ang karamihan sa mga pirmang nakalap ng mga tagasuporta ni Zamora para sa recall petition.
“Marami na ang nagsabing hindi totoo ‘yung 30,000. Karamihan sa kanila ay nagsasabi na hindi sila pumirma. Ang akala nila ang pinipirmahan nila ay for medical assistance o mga educational assistance, ‘yun pala recall na,” sinabi ni Gomez, sa panayam sa radyo.